^

PSN Opinyon

Mga nakangising puwersa sa likod ng oust-Dy plot

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

HINDI pala tsismis—totoo raw na may ilang kongresistang sabik nang ilaglag si House Speaker Bojie Dy, kahit bagong upo pa lang ang mama. Mainit-init pa ang puwesto, gusto na agad siyang i-power play ng ilang kasamahan.

Bakit? Iba-iba ang rason. Ang ilan, hindi raw “bilib” sa liderato ni Dy. Kesyo kulang sa “alaga,” kulang sa “paghimas.” Sa madaling sabi: walang masyadong mantikang pumapatak sa labi ng mga sanay sa pabor-pabor at lambingan sa Kamara.

Ayon sa mga kuwagong gumagala sa pasilyo ng Kongreso, maraming mambabatas kasi ang lumaki sa istilong babying-babied ng kanilang lider.

Eh iba ang istilo ni Dy—hindi siya mahilig sa bolahan, sa plastikan, at lalo na sa ungguyan para lang mapaligaya ang lahat. At hindi rin ito ang tamang panahon para sa palaro ng mga balimbing.

Malalaki ang hinaharap na problema ng Kamara, at bahagi ng misyon ni Dy—na halatang mabigat ay papanagutin ang ilang kasamahan na dawit sa maling paggamit ng pondo.

Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit may ilan sa nagtutulak ng “oust-Dy” ang umano’y may sabit sa kontrobersiyal na flood-control project.

Ang problema, hindi nila maasahan si Dy na maging salbabida sa harap ng posibleng paghimas-rehas. “Boy scout ’yan,” sabi ng isang tsismoso nating kuwago at  mahigpit pa raw ang kapit sa misyon na iniutos umano mula sa kanyang “prinsipal” sa Palasyo.

Dagdag pa: tuluy-tuloy ang pagsulong ni Dy ng anti-political dynasty bill, isang bagay na siguradong tagos buto sa maraming miyembro ng kongreso. Sino ba namang magkakagusto roon?

Pero kahit may nagtutulak ng kapalit, hindi raw makalipad ang plano. Malasado ang napipisil nilang ipalit beterano nga, pero tuso, sobrang malaro, at sobra kung kumambiyo. Kaya noong nagkaroon ng pagbabago sa liderato dati, hindi man lang siya nasama sa shortlistmasyadong “maasim” sa panlasa ng mga nasa Malacañang, ayon sa ating tsismosang kuwago.

Si Dy naman kulang sa “L” (liksi) pero tapat na sundalo. Kaya full support pa rin ang Palasyo sa kanya sa ngayon.

Samantala, ang mga oportunistang mambabatas: nakatunganga pa rin sa sulok, bitbit ang naudlot nilang ambisyon. Pero payo lang: dapat maging mas mapagmatyag pa si Dy.

Hindi sa lahat ng oras kaya siyang ipagtanggol ng kamay ng Palasyo.

Oo, napaapula ang apoy ngayon pero umaaso pa rin ang paligid. At alam naman natin kapag may usok,  may sunog na naghihintay.

Tingin-tingin lang sa paligid, Speaker Bojie—pag may time.

Disklaymer:  Ang artikulong ito ay opinyon lamang ng may-akda. Hindi nito layong manira, manlibel, o magparatang sa sinuman. Ang mga sanggunian at pahayag ay nakabatay sa pampublikong impormasyon, alegasyon, at kuro-kuro sa pulitika; anumang pagkakahawig sa aktwal na tao o pangyayari ay hindi sinasadya.

BOJIE DY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with