Sinong mas ma-‘L’, babae o lalaki?
TANONG: sino ang mas ma-“L” – LIBOG – babae o lalaki?
Sumikat sa mundo ang psychology experiment nina Drs. Russell Clark at Elaine Hatfield nu’ng 1978 sa Florida State University. Lumikom sila ng magkasingdaming babae at lalaki na pangkaraniwang hitsura.
Pinagala sila sa campus para maghanap ng opposite sex na lalandiin ng tatlong sunud-sunod na pangungusap. Una, “Matagal na kitang napapansin.” Ikalawa, “Napaka-kaakit-akit ka.” Ikatlo, “Pwede ka ba makipag-sex sa akin ngayong gabi?”
Resulta: 75 percent ng mga inakit na lalaki ay pumayag. Ibig sabihin, okay sa kanila makipagtalik sa estranghero. Wala ni isang babae na pumayag. Karaniwang sagot nila ay, “Nahihibang ka ba?” Ibig sabihin, marami munang daraanan bago makipagtalik ang babae.
Tanong uli: sino ang mas ma-“L” – LAKAS – babae o lalaki?
Mula’t sapul tinuturing na mas matipuno ang lalaki. Kaya siya ang nangangaso ng usa, habang babae ang namimitas ng prutas. Lalaki ang nagdaragat at nakikipaglaban; babae ang nagluluto at tumatahi ng sugat.
Hindi lang daw lakas ng katawan kundi pati loob ang taglay ng lalaki. Sumusuong sa panganib at pinapatay ang sarili imbis na sumuko.
Pero suriin ang pinagdaraanan ng babae mula pagdadalaga. Buwan-buwan ay sumasakit ang puson, ulo, likod tuwing may regla.
Nag-eksperimento ng menstrual pain simulator. Kinukuryente ang puson: level 1 ang pinakamahina, level 12 ang pinakamasakit. Karamihan ng mga lalaking sumubok ay sumuko sa level 2. Karamihan ng mga babae ay normal pa rin sa level 10.
Sa panganganak napupunit ang kalamnan ng babae. Pero pumapayag mabuntis muli. Sa menopause nagha-hot flashes, joint pains, sakit ng ulo, at napupuyat ang babae. Pero buhay pa rin.
Ikaw lalaki, magpapapitik ka ba sa b---g maski minsan?
- Latest















