EDITORYAL — Meron pang umaastang ‘VIP’

MAINIT ang mata ng taumbayan sa mga taong gobyerno na nagnanakaw ng pondo. Marami ang nananawagan na bilisan ang pag-iimbestiga para may makulong ng kawatan. Hindi huhupa ang galit ng mamamayan hangga’t walang naipakukulong na kawatan. Kailangang may managot. Kung walang maipakukulong sa kabila ng kaliwa’t kanang pagnanakaw sa kaban ng bayan, mag-aalsa ang mamamayan at dadalhin sa kalsada ang laban sa mga nagpapahirap sa bayan.
Habang may mga taong gobyerno na nagpapasasa sa pondo ng bayan, meron pa ring opisyal ng pamahalaan na umaastang “VIP”. Ipinakikita na mayroon ding kapangyarihan at dapat siyang kilalanin.
Nag-viral kamakailan lang ang pananampal ng security escort ng isang DOTr undersecretary sa driver ng Isuzu multicab sa Katipunan Avenue, Quezon City noong nakaraang Miyerkules (Oktubre 8). Ayon sa report, kinumpronta ng bodyguard at driver ng DOTr official ang multicab driver dahil humaharang ito sa dinaraanan nila. Sabi umano ng bodyguard ng DOTr official, “VIP yung dala namin. Naka-blinker na kami. Malilintikan ka talaga!”
Isang MMDA traffic enforcer umano ang nakakita sa insidente ng pananampal sa multicab driver pero wala itong ginawa. Marahil, nalaman na “VIP” ang sakay ng kotseng may blinker. Sa halip, pinayuhan na lamang ang sinampal na driver na kumuha ng medical certificate.
Ang DOTr official ay nakilalang si Undersecretary for Special Concerns ay Ricky Alfonso. Bukod sa may blinker ang sasakyan ni Alfonso, may protocol plate No. “10” ito. Ang protocol plate “10” ay para lamang sa mga justices ng Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeal at Solicitor General.
Nakapagtataka kung bakit nagkaroon ng ganitong plaka ang sasakyan ni Alfonso. Hindi ba’t alam niya ang regulasyon ukol dito dahil sa DOTr siya nagtatrabaho. Hindi puwedeng gamitin ang protocol plate ng kung sinu-sino. Kailan pa nagkaroon ng prebelihiyo ang undersecretary na gumamit ng plate No. “10”? Umaastang “VIP”. Maski ang paggamit ng blinker ay ipinagbawal na rin mismo ni President Marcos Jr.
Naglabas naman ng notice to explain (NTE) memo ang DOTr at binigyan ng tatlong araw si Alfonso para magpaliwanag kung bakit hindi dapat siya patawan ng disciplinary action. Humingi naman umano ng paumanhin si Alfonso sa nangyari at sinibak na raw niya ang kanyang bodyguard at drayber, ayon sa report.
Mainit ang mata ng taumbayan hindi lamang sa mga magnanakaw kundi pati na rin sa mga umaabuso at umaastang “VIP”.
- Latest















