Babae, naospital matapos tirisin ang tagihawat sa mukha!
ISANG babae sa New York, USA ang isinugod sa emergency room matapos makaranas ng matinding pamamaga at pansamantalang pagkaparalisa ng mukha dahil lamang sa pagtiris ng isang pimple o tagihawat sa loob ng tinatawag na “Triangle of Death” ng kanyang mukha.
Ang kanyang kaso ay nagsisilbing isang matinding babala tungkol sa panganib na dulot ng simpleng gawain na ito.
Si Lish Marie, isang maybahay, ay nag-viral sa TikTok matapos niyang ibahagi ang kanyang karanasan.
Ayon sa kanya, tiniris niya ang isang tagihawat sa ilalim ng kanyang ilong. Sa loob lamang ng ilang oras, namaga ang kaliwang bahagi ng kanyang mukha at hindi na niya ito maigalaw nang maayos.
Agad siyang dinala sa ospital kung saan binigyan siya ng apat na uri ng gamot, kabilang ang antibiotics at steroids, upang labanan ang impeksiyon na pumasok na sa kanyang dugo.
Ipinaliwanag ng mga doktor na ang “Triangle of Death” ay ang tatsulok na bahagi ng mukha mula sa tuktok ng nose bridge hanggang sa magkabilang sulok ng bibig.
Ang lugar na ito ay lubhang mapanganib dahil ang mga ugat (veins) na direktang konektado sa “cavernous sinus”, isang network ng mga ugat na matatagpuan sa utak.
“Walang valve mechanism sa bahagi na ito upang pigilan ang retrograde blood flow,” paliwanag ni dermatologist Dr. Vishakha Dhorde.
“Kung ang bacteria mula sa isang tagihawat ay pumasok sa mga ugat na ito, maaari itong makarating sa utak at magdulot nang malubhang impeksiyon tulad ng septic cavernous sinus thrombosis, na posibleng humantong sa pagkawala ng paningin, stroke, pagkaparalisa, o maging kamatayan.”
Ang pagtiris ng tagihawat sa lugar na ito ay lumilikha ng isang bukas na sugat na maaaring pasukan ng mapanganib na bacteria.
Bagama’t bihira ang malulubhang kaso, sinabi ng mga doktor na ang panganib ay hindi dapat balewalain.
Nagbabala ang mga doktor na kung talagang kailangang tirisin ang isang tagihawat sa “Triangle of Death,” siguraduhing malinis ang mukha at kamay, gumamit ng cotton swab o sterilized na kagamitan, at iwasan ang sobrang pagdiin upang maiwasan ang pamamaga.
- Latest















