^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Walang nasisindak sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Walang nasisindak sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act

Karaniwang ang mga nangyayaring malalagim na aksidente sa kalsada ay dahil sa pagmamaneho ng lasing sa alak at bangag sa illegal drugs. Marami nang namatay dahil dito at karaniwang nakaliligtas ang driver. Sa kabila na may batas, patuloy pa rin ang ilang­ driver sa pagmamaneho ng lasing at bangag. Katuwiran nila, hindi naman sila mahuhuli. Mayroong mga driver ng bus na gumagamit ng droga para raw makatagal sa ma­tagalan at malayuang biyahe. Kapag daw may “karga” balewala ang puyat sa pagmamaneho.

Noong Martes (Agosto 12), lima ang namatay at siyam ang nasugatan nang bumangga ang isang closed van sa metal fence sa kahabaan ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) sa Tarlac City. Sa lakas ng pagbangga tumilapon ang mga sakay ng closed van. Galing Caloocan City ang van at patungong Tarlac nang maganap ang trahedya dakong alas-otso ng umaga. Ayon sa drayber, tumigas daw ang manibela ng van kaya sinalpok ang mga bakal na bakod.

Subalit nang isailalim sa drug test ang drayber, nag­positibo siya. Sinampahan siya ng multiple homicide, multiple serious physical injuries, at damage to property.

Samantala, lango sa alak ang SUV driver nag-coun­terflow sa Skyway noong Linggo (Agosto 10). Umamin ang driver na nakainom siya ng alak nang mag-counter flow sa Skyway. Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, hindi biro ang ginawa ng driver dahil buhay ang pinag-uusapan dito.

Sabi ni Dizon, magsilbing aral ang naturang insidente sa mga motorista upang huwag lumabag sa mga batas-trapiko. Binawi ng LTO ang lisensiya ng SUV driver at sinampahan ng kasong drunk driving.

Noong nakaraang taon, 284 na kaso ang naitala ng drunk at drugged driving at may mga namatay at malub­hang nasugatan. Ang mga malalagim na aksidente sa kalsada ang naging layunin kaya isinabatas ang Republic Act No. 10586 (Anti-Drunk and Drugged Dri­ving Act) noong 2013. Subalit sa kabila na naisabatas, ma­rami pa rin ang lumalabag at nagmamaneho nang nakainom ng alak at nakagamit ng illegal na droga.

Ang nakapagtataka, walang sapat na kagamitan ang Land Transportation Office (LTO) upang ma-test ang drayber kung nakainom ito ng alak o naka-droga. Noong nakaraang taon, sinabi ng LTO na balak nilang bumili ng mga karagdagang breath analyzer upang maipatupad nang maayos ang batas. Ayon sa LTO, mayroon silang 750 breath analyzer pero hindi nila sigurado kung maari pang gamitin ang mga ito sapagkat binili pa ang mga ito noong 2015.

Paano maipatutupad ang RA 10586 kung walang equipment gaya ng breath analyzer? Hangga’t inutil sa pagpapatupad ng batas, maraming mapapahamak na mamamayan sa mga drayber na senglot at bangag.

DRUGGED

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with