Mabuti na ang ligtas
Gustong makipag-areglo ng komadronang nagtuli sa bata na namatay noong Mayo. May kinalaman umano sa binigay na anesthesia. At nalaman na komadrona lang ang gumawa, hindi doktor. Sabi ng komadrona, hindi naman niya ginusto ang nangyari. Eh sino ba? Sinong magulang ang may gustong mamatay ang anak dahil sa simpleng medikal na pamamaraan?
Agad namang nagsabi ang ina ng bata na hindi siya makikipag-areglo. Hustisya ang nais para sa nangyari sa kanyang anak. Kaya nahaharap sa reckless imprudence resulting in homicide at illegal practice of medicine.
Iyan naman ang gusto kong punahin. Bakit may mga tao na tila pinababayaang mag-practice ng medisina, na hindi naman mga doktor? Katulad nitong komadrona. Siguro matagal na siya nagtutuli ng mga bata at kilala na siya.
Kung alam ng barangay iyan, bakit hindi sinita o pinuna? Sa Pilipinas, kailangan doktor ang gumagawa ng pagtutuli. Nasa batas iyan ayon sa Philippine Society of General Surgeons.
Pero kahit may ganyang namatay na sa kamay ng komadrona, hindi ako magtataka kung may mga hindi pa rin takot gumawa ng pagtutuli, lalo na’t kung may mga pumapayag naman na ipagawa sa kanila. Hangga’t may magpapagawa, gagawin nila. Baka hanapbuhay nila iyan.
Kailangang maghigpit ang Department of Health (DOH) sa mga hindi lisensiyadong gumaganap ng trabaho ng doktor. Hindi lamang sa pagtutuli. May mga nagrereseta ng gamot na walang lisensiya o hindi sakop ng kanilang pinagtapusang pag-aaral o pagsasanay.
Napakaraming maaaring mangyari kapag nagbigay ng gamot o maghiwa ng tao. Kahit simpleng pamamaraan tulad ng pagtutuli ay maaaring magkaroon ng komplikasyon.
Sa kaso ng batang namatay, nagkaroon ng masamang reaksyon sa ibinigay na anesthesia. May mga gamot na malakas ang side effects o kaya may masamang interaksyon sa ibang gamot. Doktor ang nakaaalam niyan.
Sana nagbigay nang mahalagang leksiyon ang pangyayaring ito. Maraming nagsisigawa ng medical mission kung saan libre ang pagtuli, doktor pa ang gumagawa. May mga ospital ang gobyerno kung saan puwedeng ipagawa ito. Baka maliit lang ang babayaran.
Mabuti na ang ligtas sa peligro. Mabuti nang sa propesyonal ipagawa ang anuman sa ating katawan. Kapag nagsimula na ang masamang pangyayari, baka hindi na maagapan.
- Latest















