Saludo ako sa SPMC!
ANG parating naririnig tuwing binabanggit ang Southern Philippines Medical Center (SPMC), ang pinakamalaking ospital sa bahaging ito ng bansa, ay kesyo ito raw ay may nakakasamang serbisyo sa mga pasyente nito.
Walang kwenta raw ang SPMC dahil hindi nito tinutulungan ang libu-libong mahihirap na dumadaing sa ospital na ito.
Naging laman na ang SPMC ng mga nagba-bash sa ospital at maging may ilang miyembro rin ng media na inaaway ang mga doktor, nurses at ibang staff ng SPMC dahil nga sa napakapangit na serbisyo nila.
Ngunit may nakita akong napakagandang ginagawa ng mga staff ng SPMC. Talagang busilak ang mga loob at puso ng mga taga-SPMC.
Noong nakaraang buwan, na-admit ako sa SPMC. Dumaan ako sa emergency room kung saan nakita ko kung gaano kahirap ang trabaho ng mga doctors at nurses.
Ngunit sila ay talagang nagsusumikap na mapagserbisyuhan ang may higit 1,000 pasyente sa SPMC araw-araw.
Tatlong araw din akong namalagi sa orange zone ng emergency room ng SPMC. Doon ko na-experience kung gaano kahirap ma-confine sa ospital na dikit-dikit ang mga pasyente. May pasyente sa ulo at paanan ko at meron din sa tabi ko, mapakaliwa o kanan man, hirap talaga.
Ngunit kahit sa kabila ng kahirapan, doon ko nakita gaano nagsusumikap ang nurses at doctors na i-revive and isang pasyente na kalaunan ay namatay rin.
Higit isa at kalahating oras na sinikap ng mga nurses at doctors ang mag-CPR at chest compressions at electrical shock upang mabuhay ang pasyente ngunit kalaunan ay namatay din ito.
Ayon kay Dr. Ric Audan, executive director ng SPMC, bawat isang nurse ay may tinitignang 20 pasyente. Napakahirap ang pag-seserbisyo sa mga pasyente gayung masyadong understaffed ang SPMC. At nakabinbin din pala sa Kongreso ang budget para sa dagdag sanang 500 beds sa may 1,500 beds na meron ngayon ang SPMC.
At kung pupunta kayo ng SPMC, makikita ninyong punumpuno na ng mga gusali ang dating open spaces na ito. May Mindanao Heart Center, Mindanao Kidney Center, Mindanao Cancer Center, ang House of Hope para sa mga batang may sakit na cancer, may Malasakit Center at Lingap Center at iba pa.
Ganito ka-dedicated ang mga nurses at doctors sa pagseserbisyo sa ating mga mahihirap na mga kababayan. Tinutugunan ni Doc Audan at ng kanyang mga staff ang pangangailangang medikal ng ating mga kapwa Pilipino.
Ang dedication ng taga-SPMC ay hindi matumbasan ng pera. Priceless, ika nga. Saludo ako sa SPMC!
- Latest















