Solusyon sa heart failure
MAY sakit na kung tawagin ay heart failure, kung saan ay humihina ang masel ng puso. Dahil dito, nahihirapan ang puso na magbomba ng dugo sa buong katawan. Ang karaniwang sanhi ng heart failure ay ang pagbabara ng ugat sa puso, dulot ng altapresyon, diabetes, paninigarilyo at pagkain ng matataba. May mga batang pasyente na may rheumatic heart disease ang nagkakaroon din ng heart failure.
Pinakamagandang test para malaman ang kondisyon ng puso ay ang 2D-Echo, kung saan lalabas sa telebisyon ang hugis ng puso. Hindi ito masakit.
Ang sintomas ng heart failure ay ang pamamanas ng paa, paghingal, mabilis mapagod at hirap sa pagtulog ng nakahiga. Parang nalulunod ang pakiramdam at kailangan nilang gumamit ng maraming unan.
Kailangang magpa-check up agad sa isang cardiologist. May mga gamot na ibinibigay sa pasyente tulad ng: Furosemide 40 mg tablet. Gamot na pampaihi. Dahil mahina ang puso, nag-iipon ang tubig sa buong katawan; at Ace-inhibitors tulad ng Enalapril 10 mg o Captopril 25 mg tablet. Mabisa ito para mapaliit ng bahagya ang lumalaking puso.
Paano matatanggal ang manas ng heart failure?
1. Limitahan ang pag-inom ng tubig at likido sa 4 o 5 baso lang sa isang araw. Kabilang na rito ang sopas, juice, at matubig na prutas. Kapag uminom ka ng isang tasang sabaw, 4 na baso na lang ng tubig ang puwede mong inumin.
2. Sukatin ang iniinom at iniihi bawat araw. Ilista ito. Gumamit ng plastic na litro ng softdrinks para masukat ang lahat ng iniihi sa isang araw. Kailangan ay mas marami ang iniihi kaysa sa iniinom. Kung 1 litro ang nainom, kailangan ay 1 o 2 litro ang iihiin sa isang araw. Sa ganitong paraan, mababawasan ang manas at paghingal ng pasyente.
3. Timplahin ang pag-inom ng Furosemide para maabot ang layunin na 2 litro ng ihi sa isang araw. Puwedeng 2 tableta ng Furosemide ang inumin.
4. Kumain ng 2 o 3 saging bawat araw. Ito’y para mapalitan ang potassium na nawawala sa katawan sa pag-ihi.
- Latest















