Pelikula patok sa Gen Z
Maaksyong taon ito para sa industriya ng pelikula sa mundo. Limang films na ang humamig ng $1 bilyon sa global box office, at tatlo ay mahigit $500 milyon. Naka-ambang blockbusters din ang paglabas ng “Avengers: Doomsday” at “Dune: Part Three”, anang Economist.
Mas mababa pa rin ang global sales ngayon kaysa noong bago mag-pandemic. Pero inaasahang pumalo sa #35 bilyon ang global box office. Mas mataas ito ng 7% kaysa nu’ng 2025.
Mga nakababatang henerasyon ang bumubuhay sa pelikula. Dumadagsa sa sinehan ang mga Gen Z at Millennials. Maraming nag-akala noon na maglalaho na ito dahil sa Netflix, Youtube, at Tiktok. Pero sa Amerika 90% ng Gen Z ay nagsine nu’ng 2025, anang Fandango survey. Naka-pitong panood sila, kumpara sa 6.1 beses ng Gen X at 5.7 beses ng Baby-boomers.
Kabataan ang dahilan kaya kumita ng $360 milyon ang “Spiderman: Brand New Day” nu’ng unang araw pa lang nu’ng July. Dinaig ang “Avengers: Endgame” nu’ng 2019. Halos dalawang katlo ng nanood nu’ng unang linggo ay edad 18-34, kaya pumalo ang gross sales sa $1.7 bilyon.
Sinuri ng Economist kung bakit gan’un. Una sumisikat ang cinema dahil sa teknolohiyang inakalang papatay rito – ang social media. Pero mainit sa online ang usapang pelikula. Kalahati ng kabataan sa Europe ang nagsabing natuklasan nila sa Tiktok ang mga bagong lalabas na sine.
Nagba-viral ang ilang pamagat. Nagbunsod ang “Minions: The Rise of Gru” ng grupo-grupong binatilyo na nanonood na nakasuot ng pormal at tinatawag ang sariling “GentleMinions”.
Nakaka-FOMO rin o fear of missing out ang socmed. Merong Letterboxd na listahan ng kung ilan na ang napanood sa isang taon. Naging happening na rin ng barkadang Gen Z ang pagsisine. Ginagastahan nila ang malalaking supot ng popcorn at upuang naihihiga. Ibang-iba ang higanteng telon kaysa maliit na mobile screen.
- Latest















