Kadiri: uod sa utak atbp. mga parasito
NAHIHIBANG umano si Robert F. Kennedy Jr. sa pagkandidatong presidente. Minamaliit ng mga saradong Republicans at Democrats ang kanyang paglahok sa pulitika. Wala raw kalaban-laban ang bagong partido niyang We the People. Hindi komo anak siya ng dating senador Robert F. Kennedy at pamangkin ng dating president John F. Kennedy ay mananalo na siya, panunuya nila.
Inamin kamakailan ni Kennedy Jr. na may nakuhang uod sa utak niya ang mga doktor. Lalo siya naging kontrobersiyal. Pero para sa mga siyentipiko, ang misteryo ay kung paano napunta roon ang bulate.
Hindi lang mga uod ang parasito sa utak. ‘Di mabilang ang mga organismo na umaapekto sa utak. Saliksik ‘yan ni Biology Prof. Scott Gardner ng University of Nebraska-Lincoln. Kinapanayam siya ng The New York Times.
Namumutiktik din sa utak ang mga organismong unicellular—hayop na isang cell lang—tulad ng Toxoplasma gondii at iba’t bang uri ng Amoeba, ani Gardner.
Ang pagkasira ay depende sa klase ng parasito at kung saang bahagi ng utak ito namugad. May mga lumulupig at sumisira sa tissues. May mga nagpapamaga ng tissues, kaya nagpapalubha ng sitwasyon. Pag-aaral naman ‘yan ni Dr. Daniel Pastula, hepe ng neuro-infectious diseases at global neurology sa University of Colorado Medicine. Ininterbyu rin siya ng NYT.
Nanganganib ang tao sa tapeworms. Nakukuha ito sa hilaw o kulang sa luto na pagkain at sa pagkaing kontaminado ng dumi ng hayop o tao. Dalubhasa riyan si Dr. Edith L. Graham, neurologist sa Northwestern Medicine. Malamang tapeworm ang uod sa utak ni Kennedy Jr., anang mga doktor sa NYT.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest