^

PSN Opinyon

Baby pa lang nang iniwan: Filipino-American hanap ang tunay na ina sa Pinas

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Isang 31-anyos na Filipino American na si Tiffany Turek na habang isinusulat ito ay nakatira sa Houston, Texas, United States ang nagha-hanap sa kanyang tunay na ina at ama sa Pilipinas. Sa Amerika na siya lumaki, nagkaisip, nagdalaga at nagkaasawa. Napatampok ang kanyang kaso sa Youtube Channel na The Leah and Blair Slog na tumutulong sa mga katulad niya.

Lumaki siya bilang Tiffany Santos Viray makaraang ampunin ng isang mag-asawang Filipino American. Ginamit niya itong pangalan mula pagkabata hanggang magdalaga bago siya naging Tiffany Viray Turek nang mag-asawa siya noong Mayo 2013. Pero, sa Pilipinas, Ma. Jenny dela Cerna ang kanyang pangalan nang isilang siya noong Marso 15, 1992.

Batay sa nakalaang rekord, sanggol pa lang sa edad na anim na buwang gulang si Jenny/Tiffany nang ipa-confine siya ng kanyang ina na nagpakilala sa pangalang  Jeanita dela Cerna sa Rizal Medical Center sa Pasig, Metro Manila dahil sa sakit na infectious diarrhea with bronchopneumonia noong Setyembre 15, 1992. Pero iniwan siyang mag-isa sa kama at hindi na binalikan ng kanyang ina at walang dumalaw o umangkin sa bata mula nang araw na iyon. Noong Setyembre 1992, hinanap ng mga medical social worker si Jeanita dela Cerna pero walang nakakakilala sa kanya sa ibinigay niyang address. Ipinaubaya siya kinalaunan sa non-go-vernment organization na C.R.I.B.S. Philippines  (CRIBS Foundation ngayon) na merong tanggapan sa Marikina.  Dalawang taong gulang na siya nang ideklara ng Pasig Regional Trial Court na abandonado,  pinabayaan at isa nang foundling ang bata noong Marso 1994.

Noong Agosto 26, 1994, dinala siya ng isang social worker sa tahanan ng mga umampon sa kanya na sina Ernesto at Shirley Viray sa Houston na kinilala niyang mga magulang mula noon. Pinangalanan siyang Tiffany para hindi sila malito dahil meron nang Maria at Jenny sa kanilang pamilya. Nabatid na isang civil engineer si Ernesto habang isang nurse si Shirley.

Naging maganda naman ang buhay ni Tiffany sa Amerika. Nakapagtapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo (Bachelor of Science in Interdisiciplinary Studies) at nagtrabaho bilang teacher bago siya naging full-time mother noong 2019 para sa tatlo niyang anak. Babalik siya sa pagtuturo kapag apat na taong gulang na ang kanyang bunso. Sa ngayon ay tanging nagtatrabaho ang masipag niyang asawa na si Ke-vin na isang magaling na ama ng kanilang mga anak.

Napakalaki ng pasasalamat ni Tiffany sa na-ging magandang buhay niya sa piling ng mga kinikilala niyang magulang. Maayos at masaya ang pagpapalaki sa kanya bagaman wala siyang naging kapatid. Tulad ng sa kadugo ang turing sa kanya. Sa kanyang paglaki, dumaan din siya sa yugto na hinahanap niya ang kanyang identidad.

Nasa edad na siyang 17 taong gulang nang ipagtapat sa kanya ng mag-asawang Viray na ampon siya ng mga ito. Ikinagulat niya iyon. Naisip niyang baka binibiro lang siya.  Ilang araw ang dumaan bago niya natanggap ang katotohanan.  Nagpatuloy si-ya sa mga karaniwan niyang mga ginagawa, sa pagtutok sa kanyang mga kaibigan, sa pag-aaral sa eskuwelahan, sa kanyang boypren nang mga panahong iyon. “It did not have a major effect on me other than being a tad confused with mixed emotions,” paliwanag niya.

Nilinaw naman ni Tiffany na walang nagbago sa pakikitungo niya sa mga kinikilala niyang magulang kahit makaraang matuklasan niyang hindi siya tunay na anak ng mga ito. “Mga magulang ang turing ko sa kanila na pinalaki ako bilang maayos,  kapansinpansin at responsableng kabatang babae.”

Nagkahangarin siyang hanapin ang tunay niyang ina at maging ang totoo niyang tatay. Suportado siya rito ng nakagisnan at nakilala niyang mga magulang.

Ikinalulungkot din niya, ikinalilito at bahagyang ikinainis na iniwan siya ng tunay niyang ina sa ospital nang hindi man lang kinumusta ang kanyang kalagayan doon. Natanggap naman niya ito pagkaraan ng ilang araw. “Hindi ako nagtatanim ng galit,” sabi ni Tiffany na inuunawa ang totoo niyang ina na maaaring dahil sa kahirapan ng buhay nito at hindi siya kayang palakihin ay nagpasyang abandonahin siya.

Pero, sa kabila nito, gusto pa rin niyang makita at makilala ang mga tunay niyang magulang. “I still want to meet my biological parents to have that closure, to reconnect and just have that connection. I want and need to know where I truly came from. What are my roots? Cultural background?”

Gusto niyang malaman kung merong dapat ipag-alala sa kanyang kalusugan na maaaring mamana ng kanyang mga anak. Ang bunso niya ay merong Hypotonia at Autism. Meron naman siyang scoliosis sa edad  na 12 anyos pero hindi naman ma-lubha.Nagkakahika siya kapag tinatrangkaso at nagkaka-allergy.

Plano niyang bumisita dito sa Pilpinas sa malapit na hinaharap, matagpuan man o hindi pa ang tunay niyang mga magulang. Malamang makasama niya ang ibang nakilala niyang Filipino-American na naging mga ampon din tulad niya.

Umaasa rin si Tiffany na Jeanita dela Cerna ang talagang pangalan ng tunay niyang na-nay at hindi peke ang ibinigay nito sa ospital noon. “Pero naniniwala ako na baka mali lang  ang spelling ng pangalan na naibigay niya (sa ospital) o nagbigay siya ng pekeng pangalan para hindi siya matunton ng sino man. Sa totoo lang, masakit sa akin kung nagbigay nga siya ng huwad na pangalan dahil sinisikap kong mahanap at makaharap siya anuman ang nangyari noon,” sabi pa niya. “Matagal ko nang naii-sip hanapin ang mga tunay kong magulang balang araw pero ayokong ipagpilitan dahil baka masaktan ang damdamin ng mga nakilala kong magulang at akalain nila na hindi pa sila sapat sa akin kahit na sinusuportahan nila ang anumang desisyon ko na makita o hindi ang totoo kong mga magulang.”

Maaaring maaga pa pero, paano pagkatapos mong makita ang tunay mong mga magulang at hinimok ka nilang manirahan sa Pilipinas kapiling nila?

“Baka isang araw hingin ko sa kanila na tumira sa akin sa United States kung maaari. Kung sakaling hindi puwede, bibisitahin ko na lang sila kapag magbabakasyon ako (sa Pilipinas).”

Sa mga may impormasyon sa tunay na mga magulang ni Tiffany, maaari siyang makontak sa kanyang  Facebook page at messenger sa Tiffany Viray Turek o sa kanyang cellphone number 713-582-5933.

* * * * * * * * * * * *

Email- [email protected]

vuukle comment

AMERICAN

PINOY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with