Responsible gaming at gambling, isinusulong sa QC
Isa sa mga problema sa ating lipunan na hindi pinagtutuunan ng pansin ang pagkalulong sa sugal. Hindi na mabilang ang pamilyang nasira at mga buhay na nawala dahil sa bisyong ito.
Magandang kinabukasan sana ang naghihintay sa isang indibidwal ngunit hindi na nagkaroon ng katuparan dahil nalulong sa sugal. May iba naman, naging desperado na at napuwersang gumawa ng krimen para may maipantustos sa bisyo. Marami sa kanila ang nakakulong na, habang ang iba nama’y sariling buhay ang naging kapalit.
Ito ang dahilan kung bakit minabuti ng lungsod na ideklara ang Mayo bilang Responsible Gambling Awareness Month.
Kasabay nito, nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa Seagulls Flock Organization, sa pangunguna ni Chit Castillo, at sa International Gambling Counselor Certification Board, upang matugunan ang adiksyon sa sugal sa pamamagitan ng 1st International Conference on Responsible Gambling and Gaming Addiction.
Nais natin na manatili itong isang libangan, na hindi dapat umabot sa punto na ito’y makasama sa buhay ng mga naglalaro. Kung kinakailangan naman, dapat ay may sapat tayong mga hakbang upang umagapay sa isang nalulong sa sugal. Gagawin din nating bukas ang ating Helpline 122 sa mga nais humingi ng tulong tungkol sa gaming at gambling addiction.
Kaya maliban sa mahigpit na mga patakaran ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang pamahalaang lungsod ay naglatag din ng mga panuntunan para maisulong ang responsible gambling at gaming sa ating QCitizens.
Hiniling natin sa operator ng Solaire North, ang bagong tayong integrated resort-casino sa ating lungsod, na obligahin ang QCitizens na nais magsugal na magpakita ng show-money bago payagang makapasok.
Dahil kilala ang QC bilang ”family-oriented city”, hiniling din natin sa pamunuan ng Solaire North na ipuwesto ang casino sa isang tagong lugar para hindi makita ng mga menor-de-edad.
Naglatag din tayo ng mahigpit na polisiya para sa mahigit 19,000 empleyado ng lokal na pamahalaan upang matiyak na hindi sila makakatuntong sa casino ng Solaire North.
Ipinalagay natin sa kanilang sistema ang lahat ng mukha ng tauhan ng City Hall para matukoy agad kapag pumasok sa casino.
Sa tulong ng face recognition system ng hotel, kahit naka-wig, naka-maskara o naka-sumbrero pa ang empleyado ng City Hall, matutukoy nila ito.
Sa mga pagkilos na ito, umaasa tayo na marami tayong mailalayo sa panganib ng pagkalulong sa sugal.
- Latest