Pagbago, paglaganap ng wika
ANG German daw ay wika ng agham. Ang Italian daw ay wika ng romansa. Ang French ay wika ng diplomasya.
Mali kung sabihin na France ang may-ari ng French, anang The Economist. Apat na beses na mas marami ang nagsasalita ng French sa labas ng France. Mali rin sabihing Portugal ang may-ari ng wikang Portuguese. Dalawampung beses na mas maraming nagpo-Portuguese sa Brazil. Pero hindi pa rin pwedeng sabihin na sa Brazil at Portugal ang Portuguese, kasi 70 milyong Africans ang nagsasalita nu’n.
Maraming hindi papayag na England ang may-ari ng English. Ang wikang ‘yon ay salita sa mga dating kolonya ng England: Australia, New Zealand, Canada. Bukod pa ang superpower sa tawid-dagat: America.
Bilyong tao ang bihasa mag-English. Sa European Union 40% sila, o 180 milyon. Sa India 60-200 milyon ang nag-e-English. Isama pa ang Pakistan, Bangladesh, Liberia, Mexico, Malaysia, Singapore at Pilipinas.
Lumaganap ang English dahil sa industriya, teknolohiya, telebisyon at Hollywood. Dumagdag pa ang musika, gaming at YouTube. Maraming millennials ang nag-i-English na parang taga-New York o California dahil sa panonood ng Sesame Street, Barney at pelikulang may English subtitles.
At sino ang may-ari ng Tagalog? Hindi ito maari angkinin ng Bulacan, Nueva Ecija, Aurora at Bataan. Hindi rin ito pag-aari ng Batangas, Laguna, Rizal, Quezon, Mindoro o Marinduque.
Naging salita ng maraming Pilipino ang Tagalog dahil sa radyo-telebisyon mula Metro Manila, ang National Capital Region. Sa malls sa Pangasinan, Tarlac, Davao, atbp. nagta-Tagalog ang mga nagtitinda.
Ibang-iba ang Tagalog noon kesa ngayon. Ikumpara na lang ang “Ibong Adarna” at “Florante at Laura” sa Pilipino Star Ngayon. Ilinalarawan ang pagkakaibang ito sa sikat na teleseryeng “Maria Clara at Ibarra”. Nagbabago-bago ang wika sa paglipas ng panahon. Isang siglo mula ngayon baka tawanan ng kabataan ang pagta-Tagalog natin.
- Latest