Mga katandaang makabayan sa likod ng GRP-MNLF peace
Agosto 1996, Jakarta – Nagulat sina Senador Orly Mercado at Tawi-tawi governor Nur Jaafar nu’ng dumating kami sa peace talks sa capital ng Indonesia. “GRP”, Government of the Republic of the Philippines, ang nakasulat sa nametags nila sa kaliwang dibdib.
Ang nasa dibdib namin ni education Usec. Fred Clemente ay “MNLF”, Moro National Liberation Front. Kasama namin si chairman Nur Misuari.
Nagyapusan sina Mercado, Misuari at Clemente. Naalala nila ang buhay estudyante nila nu’ng dekada-’60. Pare-pareho silang charter members ng radikal na Kabataang Makabayan. Pareho kami ni Jaafar nagtaas ng kaliwang kamao; sumapi kami sa KM nu’ng dekada-’70.
Pinakiusapan ni noo’y-President Fidel Ramos sina Mercado at Jaafar na tumulong sa GRP panel. Inatasan naman kaming dalawa ni Clemente na tumulong sa MNLF.
Malimit mabara ang peace talks sa masasalimuot na isyu: Tigil putukan, pagbitiw ng MNLF ng mga armas, at halalan sa ARMM. Nagkakainitan sina Gen. Alex Aguirre ng GRP at Protestant Rev. Absalom Cerveza ng MNLF. Iniwan namin sila sa conference room.
“Okay, gentlemen of KM, ayusin na natin ito,” ani Mercado. “Para sa kinabukasan ng kabataan at ng bayan.” Nagmeryenda kaming lima ng mainit at malagkit na sopas ng buntot ng baka. Sumali si Sec. Ed Ermita ng GRP. Nagtabi sila ni Misuari para makapag-palagayang loob.
Lumipas ang apat pang araw. Agosto 18 nag-preliminary signing ng peace agreement. Kinabukasan ineroplano si Misuari patungong Malabang, Lanao del Sur. Lumundag si Ramos mula presidential chopper. Nagyapos sila ni Misuari. Naluha ang madla. “Welcome home,” ani Ramos. “Karapatan mo bilang Pilipino umuwi.”
Kininis pa ang peace agreement. Setyembre 2 pormal pinirmahan sa Malacañang ang pinal na dokumento.
- Latest