OPSF dapat bang ibalik?
Ang kahulugan ng OPSF ay Oil Price Stabilization Fund. Ito ay pondong inilalaan ng pamahalan para mapanatiling matatag ang presyo ng mga produktong petrolyo noong rehimen ni Presidente Marcos, Sr. Ito ay isang subsidiya na na-aabono sa tuwing tataas ang halaga ng krudong langis sa pandaigdig na merkado.
Itinuturing kasi ng matandang Marcos ang krudo bilang backbone o gulugod ng pambansang ekonomiya kaya sa tuwing tumataas ang presyo nito, pati halaga ng ibang bilihin ay tumataas din. Ngunit nang maupo si Presidente Cory Aquino noong1986 matapos mapatalsik si Marcos, binuwag ang OPSF. Isinabatas ang Oil Deregulation Law at binigyang laya ang mga kompanya ng petrolyo na magtaas ng presyo base sa umiiral na halaga ng krudo sa world market.
Mula nang mangyari ito, wala nang puknat ang pagtaas sa halaga ng petrolyo. Minsan bumababa ng kaunti pero mas malaki ang itinataas kapag ipinasya ng mga oil companies na itaas ang kanilang presyo. Ang mga drivers at operators ng public utility vehicles at umiiyak na sa taas ng presyo ng krudo at gasolina. Humihirit na sila ng dagdag na singil sa pamasahe. Ang mga mananakay naman ay umaapoy din sa galit sa ideya na itaas ang pamasahe.
Maganda ang ipinapanukala sa Mababang Kapulungan ni ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo na pawalang bisa ang oil deregulation law. Sa ilalim nito, itatatag ang “Budget ng Bayan para sa Murang Petrolyo.” Iyan din ang OPSF na binigyan lang ng bagong pangalan. Ano nga ba namang pakinabang ang idinulot sa mamamayan ng oil deregulation, wala maliban sa tumataas na presyo ng petrolyo na mabigat sa lukbutan ng mahihirap dahil pati presyo ng paninda ay tumataas din.
Sabi ng ilang ekonomista, hindi ito makakayanan ng pamahalaan dahil sa kakapusan sa budget. Ano ba naman iyan, kulang ang budget para sa ikabubuti ng mamamayan at ekonomiya, ngunit maraming nakawan at korapsyon sa gobyerno? Kinakapos lang tayo sa pinansyal dahil malaking bahagdan ng pondo ng pamahalaan ay naibubulsa ng mga tiwaling opisyal. Tanggalin ang korapsyon at magiging higit sa sapat ang pondo ng bayan.
Sa ngayon, nagbibigay ng subsidiya ang pamahalaan para sa benepisyo ng mga mahihirap. Kung kayang gawin ito, kayang-kaya ring buhayin ang subsidiya para sa mga produktong petrolyo. Kapag mura ang petrolyo, bababa rin ang halaga ng transportasyon pati na ang mga produktong pagkain na umaasa rin sa transportasyon.
Isang epektibong solusyon din ito para mapabagal nang husto ang inflation.
- Latest