Amerikanong nag-asawa ng Pilipina
Maari bang mag sampa ng kaso ang isang taong taga-ibang bansa rito sa Pilipinas? Anong batas ang dapat umiral at magamit ng taga ibang bansa na kinasal dito sa Pilipinas. Ito ang mga katanungang sinagot sa kasong ito ni Jimmy.
Si Jimmy ay isang Amerikano na kinasal kay Linda na isang Pilipina. Makaraan lang ng dalawang taon, nagsampa na si Jimmy ng Petisyon sa Korte (RTC) upang mapawalang bisa ang kasal nila ni Linda dahil sa walang kakayahang sikolohikal si Linda na gampanan ang mga tungkulin ng isang asawa ayon sa Artikulo 36 ng ating Family Code (FC).
Matapos baguhin ni Jimmy ang kanyang Petisyon nag-file na ng sagot si Linda. Ngunit noong dininig ng RTC ang Petisyon, hindi sumipot si Linda kaya si Jimmy lang ang nagprisinta ng ebidensiya. Pagkatapos magprisinta ni Jimmy ng kanyang ebidensiya, dinismiss ng RTC ang kaso dahil wala raw legal na kakayahan magsampa ng kaso ang isang Amerikano tulad ni Jimmy dito sa Pilipinas dahil siya ay hindi sakop ng ating batas dito tungkol sa pamilya ayon sa Article 15 ng Civil Code. Tama ba ang RTC?
Mali sabi ng Korte Suprema (SC). Ayon sa SC ang batas kung saan kinasal ang mag asawa ay ang batas na dapat gamitin. Dahil nga dito sa Pilipinas kinasal sina Jimmy at Linda ang batas ng Pilipinas ang dapat gamitin.
Kahit nga hindi sa Pilipinas ginawa ang kasalan, hindi nangangahulugan na ang batas ng bansa kung saan sila kinasal ang dapat gamitin. Maari pa ring walang bisa ang kasal dito sa Pilipinas kung ang kinasal ay magkamag-anak o ang isa sa kanila ay may ibang asawa na (Article 26 of the Family Code). Kaya kung si Jimmy ay may asawa na wala pa ring bisa ang kasal nila ni Linda kahit sa ibang bansa ginawa ang kasalan. Ang batas ng Pilipinas pa rin ang masusunod kung ang isa sa kanila ay Filipina tulad ni Linda (Ambrose vs. Ambrose G.R. 206761, June 23, 2021).
- Latest