‘Ber’ month na
Asahan na ang pagbibigat ng trapiko dahil sa kaliwa’t kanang sales sa mga malls maging sa Divisoria, kung saan maraming namimili ng mga pangdekorasyon sa nalalapit na kapaskuhan. Dagdag bigat ang pagbubukas ng face-to-face classes. Kaya asahan na ang mahabang oras sa biyahe at karagdagang gastos sa pamasahe kung wala kayong sasakyan. Sa mga may sasakyan, malaki ang makukunsumo ninyong gasolina dahil sa trapik. Sa bawat lugar na inyong pupuntahan, may kanya-kanyang ordinansa na ipinatutupad ang LGUs gaya ng no parking zone at iba pa na ipinatutupad ng traffic enforcers.
Sa Maynila ay dinarayo ang ang murang paninda sa Divisoria, Quiapo at Blumentritt. Sa pagpasok pa lang ng Avenida, Jose Abad Santos, Juan Luna, Quezon Boulevard, Dimasalang at España, asahan na masikip na trapiko.
Lahat nang paraan ay ginagawa ngayon ni Manila Mayor Honey Lacuna upang mapabuti ang trapiko, subalit marami talaga ang mga sasakyan at sidewalk vendors ang umuukupa sa kalye. Iyan ang dahilan kung bakit nagsisikip ang trapiko. Kaya kung may dala kayong sasakyan sa pamimili, maghanda na kayo ng perang pampayad sa parking. Iwasang mahatak ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang sasakyan n’yo, dahil malaki ang bayad.
Nawa’y maging malawak ang inyong isipan sa tuwina bago kayo magtungo sa Maynila. Iparada ang inyong sasakyan sa mga nakatalagang parking area na pinangangasiwaan ng MTPB upang makaiwas sa multa. Siguraduhin lamang na naka-lock ang inyong mga sasakyan at huwag mag-iwan ng mahahalagang bagay.
Maraming kababayan ang kumakalam ang sikmura matapos na lumpuhin ng pandemya ang ekonomiya. Idagdag pa itong muling pagmamahal ng petrolyo. At maging ang artipisyal na kakulangan ng asukal, sibuyas na puti na sa hinala ng ating mambabatas hinu-hoard lang ng mga negosyante. Abangan!
- Latest