Hindi pa lubos ang tagumpay
May tagumpay na nakamit ang mga katutubong Isnag sa Kabugao at Pudtol sa Apayao laban sa 150MW Gened Dam project subalit hindi pa ito lubos. Maliit na tagumpay lamang ito.
Matapos ang 1 araw na deliberasyon ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) en banc noong Martes, iniurong na ang certification precondition application ng Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation (PPRPPC) dahil sa kuwestiyonableng pamamaraan sa pagkuha ng free prior and informed consent.
Nanindigan sa commission ang Isnag na si Jann Alexis Lappas, na kailanma’y hindi nila pinayagan ang pagtatayo ng Gened 1 Dam taliwas sa ipinapakitang FPIC ng Pan Pacific. Tumalima ang NCIP en banc sa ipinaglalaban ng mga katutubo na tatlong beses winalambahala ng kompanya upang isulong ang proyekto nilang makasasama sa kalikasan.
Ngunit sa kabila ng munting tagumpay, hangad pa rin ang hustisya sa pagkakataong ito. Hindi dapat tumigil ang mga Isnag para lubusang matamo ang hustisya. Dapat mapanagot ang naghakot ng mga Isnag papuntang ibang bayan na taliwas sa isinasaad ng batas.
Malayo pa ang totoong tagumpay para sa mga Isnag. May apat na aplikasyon na kailangan ng pagsang-ayon nila. Ito ay ang mga sumusunod: 150 MW Gened 1 Dam, 335 MW Gened 2 Dam, 191 MW Aoan Dam at 170 MW Calanasan Dam.
Ibayong pagkakaisa, lakas at paninindigan ang kailangan pa ng mga Isnag sa pagkakataong ito.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest