^

PSN Opinyon

Huwag tirisin ang tagihawat; Paggamot sa balakubak

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Marami ang hindi nakaaalam na ang simpleng pagpisa o pagtiris ng tagihawat (pimples) sa mukha lalo na sa bandang ilong ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng isang tao.

Bihira lang itong mangyari pero posible pa rin.

Ang artikulo ko ngayon ay base sa research ni Ourlad Tantengco at mga dalubhasang dermatologists.

Madalas na nakararanas ng paglabas ng pimples ang mga teenager at kadalasang pinuproblema kung paano ito mawawala.

Isang masamang kaugalian ang pagtiris ng mga pimples­ lalo na kung mayroon na itong mga nana.

Ayon sa dermatologists, dapat itong iwasan lalo na kung marumi ang mga kamay kapag hinawakan ang pimples.

Hindi lang mag-iiwan ng peklat ang mga pinipisang mga pimples, maaari rin itong pagmulan ng impeksiyon na maaaring kumalat sa dugo papunta sa utak.

Dahil ang ilong ay nasa “danger triangle”, posibleng makapunta ang mikrobyo sa iyong utak at magdulot ng impeksyon doon.

Kapag marumi ang iyong kamay at pinisa ang pimples­, maaaring pumasok ang mikrobyo mula sa iyong kamay at dahil ang ugat sa mukha ay dumidiretso sa utak, ma­aaring magdulot ng impeksyon sa utak.

Kapag hindi ito naagapan, maaaring makaranas ng pamamanhid ng katawan, pagkawala ng paningin at pag­kamatay.

Kadalasang makararanas ng sobrang sakit ng ulo, mataas na lagnat, pamamanhid ng mukha at labis na pag­kapagod.

Kapag nakaranas ng mga ito matapos tirisin o putukin ang pimples sa mukha lalo na sa bandang ilong at itaas na labi, kumunsulta agad sa doktor.

Muli, alalahanin na huwag tirisin ang pimples at hayaan­ itong gumaling.

* * *

Balakubak o dandruff

Ang balakubak ay isang kondisyon sa anit na may kasamang sobrang pangangati at pagkatuklap ng balat. Ito ay hindi naman nakahahawa at hindi seryosong sakit, ngunit ang pagkakaroon ng balakubak ay nakababahala sa iba.

Maraming posibleng dahilan ng balakubak gaya ng: (1) dry skin, (2) iritasyon, (3) seborrheic dermatitis, (4) psoriasis, (5) eczema, (6) yeast-like fungus o malassezia, (7) hindi madalas na pagsa-shampoo, at (8) sensitibo ang anit sa mga ginagamit na hair products.

Paano ang paggamot sa balakubak:

1. Mag-shampoo ng regular – Gumamit ng mild shampoo o non-medicated shampoo. Dahan-dahan itong imasahe sa anit para matanggal ang mga natuklap na balat. Banlawan itong mabuti.

2. Gumamit ng medicated shampoo kung malala ang kaso ng balakubak – Hanapin ang shampoo na naglalaman ng zinc pyrithione, salicylic acid, coal tar o selenium sulfide. Ang medicated shampoo na Nizoral 1% ay nakapupuksa ng balakubak sanhi ng fungi na naninirahan sa anit. Ang shampoo na ito ay mabibili sa botika over-the-counter o minsan kailangan pa nito ng reseta.

3. Itigil ang paggamit ng mga styling products – Ang hair sprays, styling gels, mousses at hair waxes ay nagiging dahilan para maging malangis o oily ang buhok at anit.

4. Kumain ng masusustansyang pagkain – Kumain ng mga pagkain na nagbibigay ng sapat na Zinc at B Vitamins na makatutulong maiwasan ang balakubak.

5. Subukang gumamit ng tea tree oil. Ang herbal na ito ay nakatutulong mabawasan ang balakubak. Ang langis ng tea tree oil ay nakukuha sa dahon at ito ay ginagamit na antiseptic, antibiotic, at antifungal.

Kung ang balakubak ay lumala o ang anit ay nagkaroon ng iritasyon o sobrang pangangati, kumunsulta sa iyong doktor.

PIMPLES

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with