Mga pagkaing pampatulog
PARA maging malusog ang ating katawan, kailangan natin ng sapat na tulog. Heto ang mga pagkaing makatutulong sa ating pagtulog:
1. Saging.
Ang saging ay may tryptophan at carbohydrates na makatutulong sa paggawa ng serotonin. Ang serotonin ay nagpapa-relaks sa atin. Nababawasan din ang stress.
2. Kaunti lang ang kainin.
Kumain lang ng kaunting kanin, gulay at isda. May kasabihan na, “No food intake after 6:00 p.m. or 7:00 p.m.”. Tama po ito. Gusto nating matunaw maigi ang pagkain bago kayo matulog. Mababawasan din ang sintomas ng hyperacidity at GERD (Gastro-esophageal Reflux Disease).
3. Kamote.
Ang kamote ay may masustansyang “complex carbohydrates.” Hindi ito gaanong nagpapataas ng asukal sa dugo. Mayaman din ang kamote sa fiber, vitamins B6, C and E, folate at potassium.
4. Oatmeal at cereals.
Sa gabi, puwede namang hindi magkanin paminsan-minsan. Subukan ang 1 bowl ng oatmeal o cereals sa hapunan. Ang oatmeal ay may vitamin B6 at melatonin na makatutulong sa pagtulog mo. Puwede mo lagyan ng saging at gatas na masustansya rin.
5. Gatas.
Tama ba ang pag-inom ng gatas para makatulog? Tama po. May basehan ito dahil ang gatas ay may tryptophan. Ang tryptophan ay nagiging serotonin sa katawan at ito ang nagpapasaya at nagpaparelaks sa atin. Mas mabilis ka pang aantukin.
6. Chamomile tea.
Ang mainit na chamomile tea ay mabisang pampatulog. Mabuti ito sa tiyan, pinaparelaks ang stomach muscles, at may amoy na nagpapakalma rin.
Huling tip: Pagkatapos kumain sa gabi, maglakad-lakad muna ng 10-15 minuto. Ito’y para matulungan ang katawan sa pagtunaw ng ating kinain.
Makaiiwas ka pa sa sakit (tulad ng bangungot syndrome) at mas hihimbing ang iyong pagtulog. Good luck po.
- Latest