Nahihilo
LAHAT nang tao ay nakararanas ng pagkahilo paminsan-minsan. Ang hilo ay sinasabing parang umiikot ang paligid. Ang may edad ay mas nakararanas ng pagkahilo at problema sa balanse sa paglakad. Kailangan sila alalayan at baka matumba.
Pangkaraniwang dahilan ng pagkahilo:
Kapag tayo’y biglang tumayo sa kama o mula sa isang nakayukong posisyon, puwede tayong mahilo. Ayon sa mga neurologist, hindi ito delikado. Ang tawag dito ay postural hypotension.
Ang panlalabo ng mata ay madalas na dahilan din ng pagkahilo. Kumunsulta sa isang optometrist (tindahan ng salamin sa mata) at magpasukat ng salamin sa mata.
Kapag ika’y gutom na, puwede ka ring mahilo. Magbaon ng tinapay o saging para hindi gutumin.
Ang pagbabago ng panahon ay puwede rin makahilo, lalo na kung ika’y galing sa mainit na lugar at papasok sa malamig na kuwarto.
May mga taong nahihilo din kapag sumasakay sa kotse, eroplano o barko. Motion sickness ang tawag dito.
Ngunit ang pinakamadalas na dahilan ay ang problema sa loob ng tainga (inner ear problem). Ang tawag dito ay vertigo. Nag-uumpisa itong problema sa sipon o trangkaso, kung saan maiimpeksyon din ang loob ng ating tainga. Matagal itong gumaling at minsan ay umaabot sa 2-3 linggo ang pagkahilo. Puwede kang uminom ng meclizine tablet (dizitab o bonamine).
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
May mga dahilan ng pagkahilo na dapat makita ng doktor. Kailangan makuha ng doktor ang iyong blood pressure at pulso. Kapag mataas ang blood pressure sa 140 over 90, puwede itong magdulot ng pagkahilo. Kapag masyadong mababa ang blood pressure (mga 90 over 60 o mas mababa pa), puwede ka rin mahilo.
Kapag iregular ang pulso, anemic, may diabetes o goiter, kailangan din makita ng doktor. Ang istrok ay isang pagbabara sa utak at bukod sa pagkahilo, may kasama ring pamamanhid ng isang bahagi ng katawan o pagkabulol. May mga gamot din na may side effect ng pagkahilo. Itanong ito sa iyong doktor.
At kung ikaw ay nawalan na ng malay, ibang sintomas na ito at kailangan nang ipasuri sa doktor.
Tips para mabawasan ang hilo:
Katulad ng aking nabanggit, ang pinakamadalas na dahilan ng pagkahilo ay ang problema sa loob ng tainga. Vertigo ang tawag dito. Sa susunod ay ilalathala natin ang lahat ng paraan para mabawasan ang pagkahilo. Abangan!
- Latest