Maghanda tayong lumaban mag-isa

NAGPASA ng batas ang China National Peoples Congress na isa-ilalim ang independyenteng Taiwan bilang probinsya. Tinakda ni President Xi Jinping ang 2027 bilang deadline.
Puro kasapi ng China Communist Party ang NPC. Kaya bilang CCP chairman, hinahanda ni Xi Jinping ang Peoples Liberation Army sa paglupig sa Taiwan.
Kapag nalupig ng Communist China ang Taiwan, lalala ang gulo sa West Philippine Sea. Hindi na nine o ten-dash line ang igigiit ng Beijing na boundary sa karagatan. Sasabihin nito na saklaw ng probinsyang Taiwan ang 200-milya exclusive economic zone ng Pilipinas. Kasi nga naman, 55 milya ang pagitan ng Taiwan at Batanes.
Kung magkagiyera sa 2027, hindi maaasahan ng Pilipinas ang tulong ng Amerika. Hanggang 2028 kasi ang termino ni President Donald Trump. At si Trump ngayon ay sumisipsip nang husto sa Beijing—at tinatalikuran ang mga kaalyadong Taiwan at Pilipinas.
Maski ang Canada at European Union ay binabastos ni Trump. Gagawin daw niyang ika-51 state ng America ang Canada. At aabandonahin niya ang EU at Ukraine dahil kaibigan niya si Vladimir Putin ng Russia.
Kailangang maghanda ang Pilipinas na labanang mag-isa ang Communist China.
Sa labanan na ‘yon, dapat palakasin ang AFP. Problema nga lang, binawasan ng Kongreso ang kakapiranggot na P50-bilyong modernization fund. Ginawang P35 bilyon na lang, kasi yu’ng P15 bilyon ay pinaghatian bilang pork barrel ng mga mambabatas.
Masaklap din, naglipana ang CCP Manchurian Candidates. Kapag naging mambabatas at local officials sila, ibebenta nila tayo sa Communist China. Namimili na sila ng boto.
- Latest