Nasaan ang police visibility?
MARAMI ang tumaas ang kilay sa ikinilos ng Taguig City Police laban sa mga namumugad na drug pushers ng lungsod. Ito na kaya ang senyales na may kakayahan si SSupt. Felis Asis na salingin ang mga kilabot na drugs operators o big time drug dealers na nagtatago sa matahimik na komunidad ng mga kapatid nating Muslim sa Taguig City. Kasi nga mukhang gaya-gaya lamang si Asis o pakitang gilas lamang matapos ang pagsalakay ng Criminal Investigation and Detection Group sa tinaguriang “Kalye Droga” sa Caloocan City noong nakaraang linggo. Baka naman inunahan lamang ni Asis ang napipintong pagsalakay ni Dir. Benjamin Magalong sa kanyang lugar upang iligtas ang kanyang mga tutulog-tulog na tauhan.
Ang Taguig ay bantog sa talamak na operasyon ng droga sa buong Metro Manila noon pa man subalit kamakalawa ay nakubkob ni Asis ang anim na kabahayan na pinagdadausan ng bentahan at pot session na nagresulta sa pagkaaresto sa ika-apat na most wanted person na si Richard Silvestre at 113 pa katao na matagal nang pinaghahanap ng butas este batas. Natuwa si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa agresibong hakbang ni Asis dahil maging siya ay naniniwala na ang kanyang lungsod ay kilala pagdating sa bentahan at salyahan ng droga. Ito na kaya ang hudyat sa lahat ng mayor sa Metro Manila na maikumpas ang uuga-uga nilang kamay na bakal laban sa droga? Hindi naman kaila sa lahat ng mga mayor na ang pangunahing dahilan ngayon ng walang humpay na patayan ay ang salot na droga.
Kaya kahit na mangawit man ang panga ni bagong PNP chief Ricardo Marquez sa kamamando at pagpapakalat ng mga kapulisan sa kalye, balewala rin dahil ang drug lords, pushers at users ay namamayagpaga pa rin sa kararatrat ng droga. Kaya ang obserbasyon ng aking mga kausap, panahon na para pakilusin ni Marquez ang kapulisan sa buong bansa laban sa droga. Ang kailangan lamang dito ay personal niyang tututukan sa korte dahil may bali-balita rin na naaayos ng drug lords, pushers at users ang asunto sa mga piskalya. Iyan ang dapat na pakatutukan ni Marquez dahil kung magiging malamya ang kanyang pagkilos dito tiyak na mababalewala rin ang pagpupursige ng kapulisan. Di ba mga suki!
Kung sabagay hindi naman magiging matagumpay itong pagsawata sa mga durugista kung kulang ang partisipasyon ni NCRPO chief C/Supt. Joel Pagdilao. Kilala rin kasi itong si Pagdilao pagdating sa drug operation noong siya pa ang hepe ng Quezon City Police District, ewan ko lang kung may kamandag pa ito sa paghawak ng kapulisan sa Metro Manila, hehehe! Kasi nga nitong nagdaang araw lamang ay pinasok ng dalawang kawatan ang isang bahay sa Parañaque City kung saan itinali ang mga biktima at nilimas ang mga mahahalagang gamit at tinangay pa ang isang Toyota Vios. Sa Malate, Manila naman isang negosyanteng babae ang walang habas na pinagbabaril ng nag-iisang gunman sa labas lamang ng simbahan. At katulad ng inaasahan blanko ang kapulisan sa naturang insidente.
Ligtas pa ba tayo sa kuko ng mga pusakal at berdugo sa paligid? Nasaan ang police visibility na inilatag nina Marquez at Pagdilao? Abangan!
- Latest