Semblance of fairness
GUSTO ni Senador Antonio Trillanes na itigil na ang imbestigasyon sa kaso ng “overpricing” laban kay Senate Presidente Franklin Drilon.
Ani Trillanes, semplang agad ang testimonya ng complainant-witness laban kay Drilon na si Manuel Mejorada. Therefore, tsugiin agad ang imbestigasyon.
Kaya gayun na lamang ang angal ng United Nationalist Alliance (UNA) dahil ang kanilang kaalyadong si VP Jojo Binay ay hindi pa rin tinatantanan sa imbestigasyon ng Senado. Bakit daw kapag kakampi ang sinisiyasat ay agad ipinalulusot samantalang kapag kalaban sa politika ay “hinahatulan” na agad?
At walang indikasyon na isasara na ang pagsisiyasat ng Senate blue ribbon subcommittee kaugnay nito. Katulad kahapon, naglantad na naman ang “tormentor” ni Binay na si dating Vice Mayor Mercado ng Makati ng mga mamahaling condo units na pag-aari umano ni Binay.
Di ko nakikitang titigil na ang intramural na ito. Ito’y sa kabila ng apela mismo ng Pangulong Noynoy na sana’y huwag nang utay-utayin ang paglalantad ng ebidensya laban kay Binay kundi gawing “isang buhos” para matapos na agad ito.
Ipagpalagay nating ang lahat ng imbestigasyong ito’y “pamumulitika” sa tingin ko ay dapat man lamang magpakita ng semblance of fairness ang Senado sa halip na ipahalata na kapag kaalyado ang sinisiyasat ay isang salangan lang tapos na. Pero kapag kalaban, inaabot ng siyam-siyam.
Parehong “overpricing” ang inaakusa laban kina Drilon at Binay. Si Drilon ay sa proyektong Iloilo Convention Center (ICC) samantalang si Binay ay sa Makati parking building at iba pang proyekto sa lungsod.
Sensitibo ang mga isyung ito at hindi dapat magpakita ng “bias” o pagkiling kanino man ang Senado dahil lilikha ng masamang impresyon laban sa ruling party at lalo na sa Pangulo.
Pero si Trillanes mismo, na nagdidikdik nang matindi kay Binay ang humihiling ngayon ng tapusin na ang imbestigasyon kahit may isa pang testigong gustong magpatotoo sa akusasyon laban kay Drilon.
- Latest