Katahimikan bago ang hagupit?
MATAPOS ang ilang linggong pag-aalburuto ng bulkang Mayon, tila tumahimik ito. Nabawasan ang bilang ng pagyanig ng lupa, nabawasan ang pagbagsak ng mga malalaking bato. Pero ang tinatawag na “lava dome” o ang pagbukol sa gilid ng bulkan ay nandyan pa rin. Para sa ordinaryong mamamayan, tila tumatahimik na ang bulkan, kontra sa babala ng Phivolcs noong nakaraang linggo na tiyak siyang puputok, dahil sa mga ipinakitang mga senyales. Kaya ngayon, gusto nang bumalik ng mga nakatira sa sinasabing danger zone sa paanan ng bulkan. Sa totoo nga, tila mas alam pa nila ang mga kilos ng Mayon, kung puputok o hindi. At sa kanilang palagay ay tumatahimik na.
Pero may kasabihang “the calm before the storm”, o ang katahimikan bago humagupit ang bagyo. Naglalabas pa rin ng babala ang Phivolcs hinggil sa Mayon, at hindi pwedeng maging kampante ang mga taga-Albay at mga karatig pook. Ito rin ang pasya ng mga eksperto mula sa ibang bansa. Baka bumubuwelo lang, ayon sa isang nakausap ko. Hindi talaga masasabi kung ang isang bulkan ay mananahimik na. Ihinahambing nga ang mga pangyayari ngayon sa malakas na pagputok ng Mayon noong 1984.
Ang pagkakaalam nga sa Mt. Pinatubo ay patay na bulkan, hanggang pumutok ito noong 1991. Mga Amerikano lang sa Clark Air Base ang lumikas nang maaga noon. Ang karamihan naniwala na hindi buhay ang bulkan. Marami ang naipit sa kapaligiran ng bulkan. Bumuga ng tone-toneladang ash na naging lahar. Nagmistulang patay na disyerto ang Pampanga at Zambales.
Aktibo pa rin sa paghahanda ang Albay. Gusto tala-gang panindigan ang “zero casualty” ni Gov. Joey Salceda. Mas mabuti pa rin ang mag-ingat, kaysa magsisi, at ang rehiyon ng Bicol ay hindi na iba sa mga natural na kalamidad. Maraming bulkan sa bansa, at dahil sa pagputok ng Pinatubo, hindi na masasabing patay ang anumang bulkan sa mundo. Dapat nga sanay na tayo sa paglikas kapag may babala na ang Phivolcs, pero may mga pasaway pa rin at matigas ang ulo. Mabuti na ang mag-ingat kahit walang mangyari, kaysa maging kampante at maganap ang hindi inaasahan.
- Latest