^

PSN Opinyon

GM Maongco ng LASURECO pabigat sa mga residente ng Lanao del Sur

BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

NAUUBOS na ang pasensya ng mga kababayan na-ting Muslim sa probinsya ng Lanao del Sur sa General Manager ng Lanao del Sur Electric Cooperative, Inc o LASURECO na si Ashary Maongco dahil sa pagsasawalang bahala nito sa matagal nang problema sa elektrisidad sa kanilang lugar.

Bukod sa Marawi City na papatay-patay ang supply ng kuryente o “dancing light” para sa mga residente, bukod tanging ang hometown ni GM Maongco sa munisipalidad ng Tugaya, Lanao del Sur pa lamang ang may serbisyo ng kuryente sa ngayon.

Sa kabila ng naunang pagbabayad sa kanilang mga utang sa LASURECO, nananatiling umaasa ang mga munisipyo at baranggay sa probinsya kung kailan maibabalik ang serbisyo ng kuryente sa kanilang lugar.

 Sumbong ng mga residente at lokal na opisyal sa Lanao del Sur, mistulang nagkalimutan matapos nilang magbayad, dahil sa muling paniningil ng LASURECO sa mga tao. Ang ipinagtataka din ng mga residente ay kung saan nakukuha ng LASURECO ang komputasyon para sa sinisingil na bayarin gayong wala naman silang metro ng kuryente.

Malaking katanungan din para sa mga residente kung saan napupunta ang malaking ibinabayad nila sa LASURECO dahil panay pa rin umano ang paglo-loan ni GM Maongco para umano sa “rehabilitation projects”.

Pero bukod sa mala-bahay bakasyunang head office ng LASURECO at mga poste na naunang naipatayo, hindi makita ng mga residente, lokal na pamahalaan, maging ng BITAG kung saan napunta ang pera ng LASURECO.

‘Ika nga ni Engr. Pipalawan ‘Pips’ Naga na dating Administration Head ng LASURECO, palpak ang koope­ratiba sa ilalim ng pamumuno ni GM Maongco. 

Ilang buwan pa lamang sa nasabing kooperatiba ay nagbitiw na sa pwesto si Engr. Pips matapos umanong makita na lumilihis ang landas ng dapat sana’y reporma ng LASURECO.

 Kaya naman panawagan ng mga residente, mga lokal na pamahalaan at non-government organizations sa National Electrification Administration o NEA, sibakin sa pwesto si GM Maongco.

 Naniniwala ang mga mamamayan ng Lanao del Sur na hindi na makakabawi sa lumolobong utang ang kooperatiba lalo na’t patuloy pa rin sa pangungutang ang LASURECO. Nakaka-amoy din ng hindi maganda ang mga residente ng probinsya sa tila pagbabalewala ni NEA Administrator Edita Bueno sa lumalalang problema sa kuryente sa probinsya at mga reklamo sa nakaupong General Manager nito. 

 Hinaing ng mga residente, sa limang taon sa pwesto, dalawang taon na term extension at kawalan ng kuryente, puro parangal pa umano ang ibinigay ng pamunuan ng NEA sa nakaupong General Manager. Kaya naman sa loob ng pitong taon ay kadiliman at kahirapan dahil sa kawalan ng kuryente at unti-unting pag-alis ng mga negosyante ang nalasap ng mga residente ng probinsya.

 Dahil tila walang pagbabagong mapapala sa pamunuan ng NEA ay kay Department of Energy Secretary Jericho Petilla at Pangulong Benigno Aquino III na ipinararating ng mga residente ang kanilang hinaing.  Umaasa ang mga kapatid nating Muslim sa Lanao del Sur na kahit bigo ngayong unang araw ng banal na buwan ng Ramadan ay mapailawan pa rin ang kanilang probinsya sa lalong madaling panahon.

 Personal na nakita ng BITAG ang sitwasyon sa Lanao del Sur.  Hindi magsisinungaling ang aming camera sa pagbabalewala ng LASURECO sa problema ng taongbayan.

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

ADMINISTRATION HEAD

ADMINISTRATOR EDITA BUENO

GENERAL MANAGER

LANAO

LASURECO

MAONGCO

RESIDENTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with