Bakit may problema?
Bakit itong bansa’y maraming problema
gayong itong bansa ay lubhang maganda?
Kahit pagmasdan mo ang mundo at mapa
hugis ng Philippines talagang kaiba!
Bakit tatlong hati itong ating bayan
may Luzon Visayas at saka Mindanao?
Waring ang naghati’y ang Poong Maykapal
upang tayong tao’y laging magmahalan!
Bakit ang bandila nitong ating lahi
ay lubhang makulay parang bahaghari
Kahit baliktarin sa lahat ng gawi
kagandahan nito ay katangi-tangi!
Bakit ba may araw at mga bituin
sa kulay na asul tapat ang damdamin;
Sa kulay na pula tayo ay magiting
hindi natatakot kahit na takutin!
Bakit may problema na nagsusulputan
dahil mga tao’y nagiging maalam!
Hindi tayo huli sa maraming bayan
pagka’t inaaral ang takbo ng buhay!
Bakit ang ugali nating Pilipino
kaiba sa asal ng Kano at Ruso?
At lalong kaiba sa ugaling Tsino
na gusto’y sakupin ibang teritoryo!
Bakit ang daigdig habang umiinog
ang dulot sa tao’y maraming pagsubok?
Silang kanluranin kaiba ang ikot
tayo sa silangan ay anak ng Diyos!
- Latest