Tuloy ang Pasko
ISANG masayang pagtitipon ng pamilya at kaibigan ang ginaganap ngayon bilang paggunita sa pagsilang ni HesuÂkristo. Aapaw muli ang masasayang kuwento, mga regalo at siyempre, ang pagsasalo sa masaganang pagkain na inaabangan ng lahat.
Pero sa kabila ng pagsasaya, hindi puwedeng makaÂlimutan ang mga masasamang kaganapan sa bansa ngayong taon. Ang pagsalakay ng MNLF-Misuari sa Zamboanga kung saan marami ang namatay; ang malakas na lindol sa Bohol na nagdulot nang malawakang danyos at siyempre, ang paghagupit ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas Region kung saan hanggang ngayon ay hindi pa matapus-tapos ang pagbilang ng mga patay, at milyun-milyon ang nawalan ng tahanan, negosyo, hanapbuhay.
Pero bukod sa mga naapektuhan sa Visayas at Mindanao, may mga dumadaan din sa matinding pagsubok dito sa Metro Manila, mga biktima ng marahas na krimen. Ang pagpatay sa isang mayor mula Zamboanga del Sur, kanyang asawa, pamangkin at isang 18-buwang gulang na sanggol. Nasa labas ng arrival area ang mayor at kaanak nang pagbabarilin ng naka-unipormeng pulis na nakasakay sa motorsiklo. Ang insidente ay patunay sa sumasamang sitwasyong kapayapaan at kaayusan sa lungsod. Ang galit ng ina ng sanggol ng napatay ay hindi masukat, habang sumisigaw ng hustisya para sa kanyang inosenteng anak. Wala nang mas malungkot na Pasko para sa kanya. Isama sa dasal ang kapayapaan para sa bansa, kung saan umiiral ang batas at kabutihan.
Para sa kanila, mahirap magdiwang ng Pasko habang hinaharap ang mga matitinding pagsubok. Ang ZamÂboanga at Bohol ay hindi pa lubusang nakabangon mula sa mga nangyari. At tiyak na magtatagal pa bago maisaayos ang mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda. Ganun pa man, dahil hindi basta-basta napapayuko ang Pilipino, tuloy ang Pasko kahit sa pinaka-simple at mapagkumbabang paraan.
Tunay na ito ang panahon ng pagpapasalamat para sa mga biyayang natanggap. Pero habang marami ang nagsasaya at nagdiriwang ng Pasko, isipin din natin ang maraming kababayan na hindi lubusang masaya ang Pasko. Patuloy pa rin ang ating pagdarasal at pagtulong sa kanila para makabangon. Wala nang mas Kristiyanong gawain sa pagtulong sa mga nangangailangan. Iyan ang tunay na diwa ang Pasko.
Maligaya at mapayapang Pasko sa lahat!
- Latest