^

PSN Opinyon

‘Wanted na si idol’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KATORSE anyos nun ang ‘fan’…30 anyos naman si ‘idol’.

“Gwapo siya… sikat. Lahat kami napapatili ‘pag lumabas na siya sa entablado. Sino ba naman ‘di mapapahanga sa kanya?” wika ni ‘Pamela’.

Maalalang isinulat namin ang sinapit ng noo’y 14 anyos na dalaga, itinago namin sa pangalang “Pamela” sa isang ‘theater actor’ at miyembro ng ‘DKY Crew Dance Group’ si Rolando Agabao Diaz o “Jolly”.

 Hayskul pa lang si Pamela masugid na niyang pinapanood ang mga isinasadulang ‘plays’ ni Jolly na isa sa mga ‘activities’ nila sa eskwelahan.

 Inadd niya ito sa ‘facebook’. Nagpalitan sila ng ‘cell phone numbers’. Hindi akalain ni Pamela na papansin siya ng kanyang idol.

“Pwede ba kitang ligawan?” mabilis na tanong ni Jolly.

Hindi na nagpakipot si Pamela at naging sila sa ‘text’ Setyembre 2010. Napadalas ang pagpunta ng dalaga sa mga ‘shows’ ni Jolly subalit dahil ‘first boyfriend’ daw niya ito, nailang siyang kasama si Jolly at naghiwalay rin sila.

Nagkabalikan sila ng i-text siya ulit ng fan. Valentine’s Day niyaya siya ni Jolly sa isang fast food chain at diniretso umano sa isang Apartelle sa Diliman.

“Samahan mo lang ako uminom,” pag-aya ni Jolly.

Bitbit ang Bacardi at dalawang C2 pumasok sila sa kwarto. Pina­upo siya sa isang sulok sa ibabaw ng kama at pilit daw pinaimon ng alak.

Tumanggi si Pamela subalit napilit din siya ni Idol. Naramdaman niyang gumuhit sa lalamunan hanggang sikmura ang init ng alak. Nahilo siya.

Dito na siya sinimulang ihiga ni Jolly sa kama. Hinalikan para ‘di na makapalag. Ayon kay Pamela kahit ayaw niya, naisagawa ni Jolly na maangkin ang kanyang pagkababae.

Hindi ito naging huling pagkakataon. Bumalik sila sa apartelle Marso 7, 2011. Ayon kay Pamela maraming pinagawa sa kanya, naging sunod-sunuran siya.

Alam ni Jolly kung gaano siya kamahal ni Pamela kaya’t kapag tinatawagan niya ito at tumatanggi sinasabi niyang “Bahala ka na sa buhay mo!” susunod agad ang dalagita. Pinadala pa raw na niya ng ‘t-back’ si Pamela.

“Naisip ko mali na ang ginawa ko pero nangako si Jolly…papanagutan daw niya ko. Magpapakasal daw kami” ani Pamela.

 May pagkakataong na-‘delay’ ang kanyang regla. Sinabi niya ito sa ina. Dito lang daw nito nalaman ang tungkol kay Jolly at anak.

“Sinabi ko rin kay Jolly sabi niya tanggalin ko kasi bata pa raw ako at balak niya magbarko… may anak pa siya,” kwento ni Pamela.

Ika-9 ng Abril 2011, nagkita sila ni Jolly at pinagdala siya ng ‘pregnancy test kit’ nalaman nilang ‘di buntis si Pamela. Mula nun dumalang na ang pag- ‘text’ ni Jolly. Nakarating sa kanyang kung kani-kanino ng babae nauugnay si Jolly. Dito na niya napagtanto na katawan lang niya ang gusto ni Jolly.

Itinampok namin si Pamela sa’ming programa sa radyo, ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” at sa aming pitak sa “CALVENTO FILES”, PSNGAYON.

PARA SA PATAS NA PAMAMAHAYAG, personal na nagpunta sa amin si Jolly para ibigay ang kanyang panig. Ika-6 ng Hulyo 2011, pinag­harap namin sila sa radyo. Tahasang inamin ni Jolly na may nangyari sa kanila subalit sila’y mag-‘boyfriend’. Walang rape dahil kagustuhan daw nila yun. Hindi raw niya pinilit si Pamela na painumin ng Bacardi.

Naging ‘hysterical’ si Pamela at iginiit na siya’y pinilit ni Jolly hanggang siya’y humagulgol habang nanginig ang kanyang buong katawan at humihinga ng malalim. Ito’y napakinggan ng mga sumusubaybay sa amin sa radyo hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo sa pamamagitan ng “Ustream”.

Nagsampa ng kasong Rape, Simple Seduction and Violation of RA 7610 sa Prosecutor’s Office Quezon City. Si Asst. City Pros. Vivien Balisi-Manahan ang humawak ng kaso.

Ilang beses namin nilapitan si Prosec. Gen. Claro Arellano para ireklamo kung bakit natatagalan ang ‘resolution’. ‘Di naman namin hinihingi na paboran si Pamela subalit maglabas ng resolsyon ang tagausig dahil lampas-lampas na sa oras na normal na binibigay sa kanya.

Nung Ika-5 ng Nobyembre 2013, nakakuha sila ng kopya ng resolusyon. Nakasaad na matapos maipresinta ang mga ebidensya nakitaan ng  tagausig ng ‘probable cause’ para makasuhan ng 3 counts Rape sa ilalim ng RA 266-A Paragraph 1  (a) of the Revised Penal Code dahil sa mga sumusunod:

Si Pamela ay 14 anyos lang ng mangyari ito. Maliwanag na siya’y ‘di pa isang ganap na babae na nasa tamang edad upang pumayag sa nais ni Jolly.

Kahit na sila’y magkasintahan ang pagkakaroon nila ng pagtatalik ay dinaan sa pwersahan. Siya’y kinaladkad sa apartelle, pinainom ng alak at pinuwersa ang sarili kay Pamela. Dahil sa mga nilitanya ng tagausig, merong sapat na batayan para ito’y masampahan ng kasong rape (3 counts). 

Ang hindi pagkakaroon ng ‘laceration’ sa hymen ni Pamela at ‘no evident injury’ ng siya’t eksaminin ay ‘di nangangahulugang walang nangyaring pilitan.

Ang depensa ng akusado  at pagtanggi ay ‘evidentiary in nature’ na dapat ay pag-usapan sa isang malawakang paglilitis.

Dahil ‘di naman nakapagsumite ng psychiatric report sina Pamela na magpapatunay na nagkaroon ito ng ‘trauma’ sa nangyari walang sapat na basehan para makasuhan si Jolly ng Child Abuse o R.A 7610.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, bagamat naging matagal ang pagkiling ng hustisya kay Pamela, ngayon lumilinaw na makukuha na niya ang katarungan na napakatagal niyang hinintay.

Naglabas ng desisyon na walang piyansang itinatalaga ang korte o NO BAIL RECOMMENDED para dito kay Jolly. Ito ay nasa Branch 89. May criminal case no. RQZN-13-04984 to 86. Nasa sala ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert.

Isang babala mula sa amin, ni sa hinagap huwag niyo ng ambisyunin ang tumikim ng katorse anyos. Lalo na kung ikaw ay higit sa doble ng edad nito. Marami namang ibang babae na pwedeng ligawan ng maayos at magkaroon ng isang matinong relasyon.  (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038.

Sa puntong ito nais namin pasalamatan ang Office of the Clerk of Court  Chief ng Criminal Division ng Quezon City na si Danny David para sa lahat ng kanyang tulong at impormasyon na kanyang ibinigay .

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

vuukle comment

DITO

JOLLY

NIYA

PAMELA

PARA

SILA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with