Sangguniang Kabataan dapat nang buwagin
ANG Sangguniang Kabataan (SK) ay isang failed experiment. Itinatag ito nu’ng 1991 para turuan at ilahok ang kabataang edad-15 hanggang 17 sa pamumuno ng kasapian nila sa barangay. Hinahalal tuwing limang taon, ang pamunuan ng SK ay pamalit sa boluntaryong Kabataang Barangay. Otomatikong umuupo ang SK chairperson sa Barangay Council kaya merong allowance, pero ang mga SK kagawad ay walang tinatanggap.
Imbis na matuto sila ng matuwid na daan, puro kabulastugan ang itinuturo sa SK. Sa simula pa lang, may vote-buying sa halalan; kung hindi man sa pamamagitan ng pera ay sa pakain at papremyo sa sports, talent o beauty contest. Dapat nonpartisan ang halalan, pero nilalahukan ito ng mga partido, lalo na kung anak ng politiko ang kandidato. Kumbaga, bata pa sila ay isinasalang na sa political dynasties, na ipinagbabawal ng Konstitusyon.
Nabistong nagkakasuhulan din sa halalan ng SK presidents ng munisipyo, lungsod, probinsiya, at buong bansa. Nagka-demandahan nga nu’ng 2010 ang ilang mga naglaban para sa national presidency.
Sanhi rin ng korapsiyon ang SK. Otomatikong ibinibigay sa SK ang 10% ng pondo ng barangay. At tulad ng sa barangay, merong “kotratista†na taga-bili at gawa ng lahat ng gastusin ng SK. Ang kontratistang ito, na kaibigan ng barangay captain, ay ipinapakilala bilang exclusive supplier at taga-ayos ng papeles ng pamunuan ng SK. Tulad ng sa barangay captain at council, binibigyan niya ang SK ng 10% kickback sa mga gastusin.
Sobrang mahal ang halalan ng SK. Hindi lahat ng kabataang edad-15-17 ang bumoboto; dalawang milyon lang ang rehistrado. Pero ang pinagsamang eleksiyon ng SK at barangay ay umaabot nang P3.2 bilyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest