^

PSN Opinyon

“Sinagip ng mga hinliliit”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KAHIT DALAWANG hinliliit mo na lamang ang nakabitin sa sanga ng isang puno, pipilitin mong kumapit kapag ang babagsakan mo’y mga buwayang nakabuka ang  bunganga na may matatalas na ngipin.

Ganito ang natanto ni Bernaldo “Ariel” Tagle—44 anyos ng General Trias, Cavite sa isang pangyayaring naghatid sa kanya sa bingit ng kamatayan. Ang tinuturo niyang salarin ay ang kanyang tiyuhin  na si Leopoldo “Poldo” Cobacha—60 anyos na kanilang kapit-bahay din.

Agosto 2, 2009 noon ng alas-9 ng gabi dumating ang kanyang kapatid na si Priscilla at ang kaibigan ni Ariel na si Rey Pipit sa bahay ng kanyang ina sa Daang NIA. Nag-usap sila ukol sa pagpapatanim ni Rey kay Ariel at nagka-inuman ng beer.

Sa kalagitnaan ng kwentuhan ng tatlo, biglang dumating itong si Poldo at sumigaw sa kanila, “Hindi ba kayo magsisitigil!? Sabihin ninyo lang!,”

“Pasensya na po kung kami’y nakakagambala,” sagot nina Ariel. Napagkasunduan nilang lumipat na lang sa ibang pwesto, ngunit ilang minuto pa lang ang nakakalipas, namataan nilang naglalakad pabalik sa kanilang direksyon si Poldo bitbit ang isang halabas(mahabang bolo).

Kasunod na lumabas nito ang anak na si Alma Sanchez—27 anyos. Nung makalapit na sa kanila, iniabot ni Poldo ang halabas kay Alma para tagain umano si Priscilla.

“Hoy ikaw p@#$%^% kang malanding babae ka! p*&-p*& kang hayup ka!,” sigaw umano ni Alma kay Priscilla.

Nagtatakbo si Priscilla at hindi naabutan ni Alma. Ayon kay Ariel, dahilan umano ng selos ni Alma kay Priscilla ang ginawang atake. Dating boyfriend ni Priscilla si Rolan Medina na kinakasama na ngayon ni Alma.

Nung hindi mataga ni Alma si Priscilla, inagaw ni Poldo ang halabas sa anak. Hinablot ni Alma ang buhok ni Priscilla at pinagsususuntok hanggang matumba.

Pilit na inaawat ni Ariel si Alma, ngunit ilang saglit lang ay mabilis niyang nadinig ang hagunot ng kalawit ng halabas na hawak ni Poldo mula sa kanyang likod. Mabilis niyang nasunggaban ang braso ni Poldo bago tumama sa kanyang leeg ang patalim.

Gumulong ang dalawa at nagpambuno sa palayan kasabay ang biglang pag-ulan. Pilit na inaagaw ni Ariel ang halabas kay Poldo.

Dumulas si Poldo pababa kaya’t agad nakabangon si Ariel at naagaw ang halabas. Humangos ng takbo si Ariel pauwi ng bahay bitbit ang halabas upang itago.

Nung lumabas ng bahay si Ariel para makiramdam, nabigla siya nung makitang tumatakbo patungo sa kanya si Poldo bitbit naman ang isang samurai.

Sa takot, kumaripas ng pag-gapang si Ariel patungong palayan. Kumalahig siya sa putik. Kasin bigat ng bawat hakbang ni Poldo ang  kabog ng dibdib ni Ariel habang nadidinig ang hangin na dumaplis ng iwinawasiwas na samurai.

Halos makipag-habulan siya sa kanyang hininga habang nariri­nig ang isa-isang pagka-tapyas ng tinatamaan ng samurai ni Poldo.

Nung makadama ng katahimikan, nagtatakbo si Ariel papaakyat sa puno sabay talon sa kabilang hati ng palayan.

Pagbagsak sa tubig, naramdaman ni Ariel na unti-unti siyang bumabaon sa lupa.

 Inaabot niyang pilit ang pilapil ngunit kalbo ito. Nagkakawag nang nagkakawag si Ariel hanggang makakapit siya sa manipis na sanga ng puno.

Humingi agad ng saklolo si Ariel sa bahay ng kaibigang si Ireneo Hernandez upang magpatawag ng tulong mula sa baranggay.

Matapos ang 30 minuto ay dumating ang  mga baranggay tanod sa pamumuno ni Nestor Tamayo upang sunduin si Ariel para kunan ng reklamo.

Ikinulong siya pagdating sa baranggay habang si Poldo ay nasa ospital at nagpapagamot ng mga tinamong sugat. Bali naman sa tuhod ang inabot ni Ariel dahil sa kanyang pagtalon mula sa puno.

Kinabukasan niya nalaman ang tungkol sa reklamong sinampa sa kanya ni Poldo na “Frustrated Homicide”.

Pagkaraan ng apat na buwan, nakapagpiyansa sa halagang 24,000Php si Ariel.

Hanggang sa kasalukuyan ay dinidinig pa ang kaso laban sa kanya at nais niyang ilapit ang tungkol sa mabagal na takbo nito.

Matapos ang tatlong taon, Hulyo 18, 2012, nagkontra-demanda rin itong si Ariel laban kay Poldo sa kaparehong insidente para sa kasong “Attempted Homicide”.

Setyembre 25, 2012 lumabas ang resolusyon kung saan nakitaan ang reklamo ni Ariel ng “probable cause”. Ang kadahilanan nito ay hindi nakasipot si Poldo. Paano nangyari ito? Kung bakit ginawa niya, siya lang ang makakapagpaliwanag.

Mayroon pa namang nakatakdang “mediation” kung saan maari niyang ipaalam na may kasong kapareho ito sa branch ng Regional Trial Court ng Trece Martires City para sa kasong “Frustrated Homicide” laban sa kanya.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito Ariel.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nakasampa na ang demanda ni Poldo kay Ariel sa korte nuong 2009.

Ito namang Hulyo ng 2012 dinemanda ni Ariel si Poldo sa magkaparehong insidente. Maaring tignan ito bilang ‘after thought’ o napag-isipan matapos makitang tumatagilid ang lagay ng kaso niya. Ang mainam sanang ginawa ni Ariel ay nagsampa agad siya ng kaso habang nung siya ay nasa kulungan pa sa tulong ng isang Public Attorney mula sa PAO.

Ang paglipas ng tatlong taon ay ikinahina ng kaso niya (‘has weakened his case considerably’). Nung nasa kustodiya pa lamang siya ng pulis dapat sinabi na niya na magkokontra-demanda siya para hindi lamang siya ang ‘ininquest’.

Ang ‘procedure’ ay gagawa ang mga pulis ng dalawang demanda at isusumite sa taga-usig. Sa isang ‘charge at counter-charge’ ito ay pinag-iisa (‘consolidation’)  ng isang taga-usig at kung aling demanda ang mas may timbang ito ang dapat kilingan at isampa sa korte ang kaso. Ganun pa man hayaan natin ang kahihinatnan ng pag-uusap nila sa korte.

(KINALAP NI PAULINE VENTURA) Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392 o 0906-7578527. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

ALMA

ARIEL

FRUSTRATED HOMICIDE

KAY

NUNG

POLDO

PRISCILLA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with