Camiguin congressional candidate diniskuwalipika ng Comelec
GOODBYE na lang sa political ambition ni Paul Rodriguez na tumatakbong congressman sa lone congressional district ng Camiguin. Kasi nga mga kosa, nagdesisyon ang Comelec noong Abril 23 na i-disqualify si Rodriguez sa pagtakbo sa May 12 elections dahil sa residency issue. Si Rodriguez, may-ari at operator ng Mandaue City, Cebu-based shipping company na Asian Maritime Transportation Corp. (AMTC) ay may barkong biyaheng Cebu-Camiguin subalit kinuwestiyon ng kalaban niya ang residency nito.
Kung sabagay, dinisqualify na ng Comelec 2nd Division noong Abril 11 si Rodriguez subalit humirit pa siya. At tinuldukan na nga ng Comelec en banc ang tsansa niyang makatakbo sa darating na Mayo 12. Ang masakit pa, “immediately executory” ang decision ng Comelec en banc. Sa totoo lang, kaya naman tumakbo si Rodriguez sa pagka-congressman ay upang kapag nanalo siya, makagawa ng paraan para mabayaran ang P5 bilyon niyang pagkakautang sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Kaya sa pagka-disqualify sa kanya ng Comelec, nangangahulugan na hindi pa tapos ang legal battles ni Rodriguez. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Imbes kasi na mag-isip at gumawa ng paraan kung paano mabayaran ang kanyang bilyones na utang, abala si Rodriguez sa pangangampanya sa Camiguin. Kaya parang double whammy itong tumama kay Rodriguez, ‘no mga kosa? Ang loan ni Rodriguez, mga kosa, ay noon pang 1999. Sa mga dokumento na kanyang isinumite, kinilala si Rodriguez bilang president at chief executive officer ng AMTC, kung saan sa rehistro nakalagay ang kanilang address na Cebu City.
Ayon sa website ng kompanya, AMTC ‘provide (s) end-to-end transport and logistics services, as well as shipping services for inter-island passengers and cargoes being the largest ship-tonnage owner and operator in the Philippines, serving 32 ports of call.” Ayon pa sa website ng kompanya, ang Super Shuttle RORO ay isang brand sa ilalim ng AMTC, kung saan may apat na operational routes ito ferrying passengers at cargo from Camiguin to Cebu at Bohol. Mismooo!
Ayon sa dokumento, anim na barko ng AMTC ang ginamit na collateral para sa P1.479 bilyon na loan sa DBP, samantalang 12 barko, a tractor head, a forklift at dalawang property sa Batangas naman ang sa P3.413 bilyon loan sa LBP. Makailang ulit na pinadalhan ng LBP at DBP ng demand letter ang AMTC na bayaran ang utang subalit inamin ni Rodriguez na hirap pa silang makabangon dahil sa pagsalanta ng COVID-19. Ayon kay Rodriguez, gumagawa naman siya ng paraan para makabayad ng utang kaya lang hindi pa sa oras na ito, lalo na’t malapit na ang election. Dahil sa pag-disqualify ng Comelec, nabura ang paraan ni Rodriguez na makabayad ng utang sa LBP at DBP. Maiilit kaya ng dalawang banko ang mga properties ni Rodriguez?
Abangan!
- Latest