Sana maging mas malinis naman ang pista
PISTA ngayon ng Poong Nazareno. Ilang paaralan ang nagkansela ng pasok dahil sa dami ng deboto na dadalo sa pista. Magiging matrapik sa ilang lugar, partikular ang dadaanan ng prusisyon. Nakahanda na rin ang mga ahensiya ng gobyerno katulad ng MMDA at PNP para sa nasabing pista na siguradong hahatak ng higit isang milyong deboto. At kapag ganitong karaming tao ang nagkukumpulan, tiyak na ga-bundok din ang basurang naiiwan!
May grupong nananawagan sa mga deboto na iwasan ang magkalat, para na rin sa kapakanan ng kalikasan at sa Maynila. Pero ewan ko. Kung may isang katangian tayong mga Pilipino na hindi maganda, ito ay ang hindi maiwasang magkalat ng basura! Nandiyan din kasi ang mga magtitinda ng pagkain sa pista mismo. Dito pa lang ay basurang nabubulok ang naiiwan. Mga pagkaing hindi nauubos, mga lalagyan na hindi naman puwedeng ma-recycle katulad ng styrofoam at plastic. At siyempre, ang mga bote ng mineral water! Ilagay mo na lahat ay kailangang uminom ng tubig. Ilang bote ang maiiwan ng isang milyong tao!
Alam kong hindi naman kaya ng mga basurahan ang basura na naiiwan sa pista ng Nazareno. Pero may mga basura naman na puwedeng itabi na muna, katulad nga ng bote ng mineral water, para makabawas naman kahit konti. Pero ganun nga, wala sa katangian natin ang magtago o magtabi na muna ng basura. Ang ugali ay itapon na lang kung saan-saan, dahil iniisip na may maglilinis naman! Kumbaga, hindi na nila problema ang basura. Nandiyan lang sila para sa pista at debosyon sa Nazareno. Ito sana ang mabago itong darating na pista. Sana.
Mabuti at may pista ng Poong Nazareno. Para magkaisa muli ang taumbayan at ang simbahan, na medyo nagkaagwat dahil sa alitan sa RH Bill na ngayon ay batas na. Mabuti at makabalik na muna sa prinsipyong tungkulin ng simbahan, ang pananampalataya. Makakahilom ng mga sugat gawa ng mainit na debate ang pista ng Nazareno. Magkakaisa ang taumbayan, magbabayanihan. Magkakaisa sa ilalim ng isang pananampalataya. Hindi ba’t ito ang gusto rin naman ng simbahan?
- Latest