EDITORYAL - Kung gugustuhin, kayang ipatigil ang jueteng
ISANG salita lang ni President Noynoy Aquino na walang magwa-wangwang na motorista, di ba lahat ay sumunod? Meron pa ba kayong naririnig na nagwawangwang maliban sa ambulansiya at fire trucks? Maski ang mga police mobile, takot magwangwang dahil sa ipinag-utos ni P-Noy na walang wangwang. Sinusunod siya sapagkat ipinakita niya na maski siya kapag bumabaybay sa kalsada ay hindi nagwawangwang. Kailangan, magpakita ng halimbawa ang namumuno para siya sundin. Kailangan, maging modelo siya. Kailangan maging halimbawa.
Kaya itong problema sa jueteng na matagal nang namamayagpag sa buhay ng mga Pinoy ay madali lang resolbahin kung si P-Noy mismo ang magsasabi na itigil ang sugal na ito. Arestuhin ang jueteng lord at hubaran ang mga nagpoprotektang police officials, mayor, governor at maski ang mga corrupt na barangay chairman. Kapag naaresto na ang operators at mga nagpoprotekta sa jueteng, mayroon pa kayang magkakalakas ng loob na magpa-jueteng? Political will ang sagot sa paulit-ulit at pabalik-balik na problemang jueteng. Seryoso at matibay na paninindigan na dudurugin ang mga pasimuno at nagbibigay ng proteksiyon sa sugal. Problema ng mga nakaraang administrasyon na walang political will kaya lalong umusbong ang jueteng. Sa halip na ipag-utos na hulihin ang mga nagpapasugal, gumawa pa ng ibang sugal na lalaban daw sa jueteng. Ito yung tinawag na Small Time Lottery (STL). Pero wala ring nangyari sa paraang ito sapagkat ginamit lang na front para sa jueteng. Palpak na paraan na lalo lamang nagpalubha sa problemang jueteng. Ginawang gatasan ng mga corrupt na police at local government officials.
Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, P50-milyon bawat araw ang kinikita sa jueteng. Kumikita umano ang isang police regional director ng P2-milyon hanggang P3-milyon bawat buwan samantalang ang isang police provincial director ay kumikita ng P500,000 hanggang P1.5 milyon bawat buwan.
Paano mapapatigil ang jueteng kung ganito kalaki ang kinikita ng police officials? Kung tukoy ni Lacson ang mga opisyal na ito, bakit hindi pa hubaran? Pero pinaka-mabilis na paraan para matigil ang jueteng ay ang lantarang pag-uutos ni P-Noy na itigil ito. Iyon lang.
- Latest
- Trending