Bigat ng ebidensiya (Ikalawang Bahagi)
SA paglilitis ay nagsumite ng ebidensiya sina Delia at ang AZM. Tumestigo si Delia at ginamit ang kanyang baptismal certificate, birth certificate, driver’s license pati death certificate ng namatay na lolang si Donya Demetria para patunayan ang kanyang sinasabi. Pati family tree ng kanilang pamilya na nagpapakita kung ano ang kaugnayan niya kay Donya Demetria ay ginamit na ebidensiya ni Delia.
Sa kabilang banda, mas pinili nina Teddy at Atty. Castro na manahimik at huwag magsumite ng sariling ebidensiya. Sa parte naman ng LTI, noong ito na ang dapat magbigay ng pruweba ay wala itong mailabas kaya dineklara ng korte na sinuko na nito ang pagkakataon at karapatan na magsumite ng katibayan.
Base sa ebidensiyang isinumite ni Delia at ng AZM, nagdesisyon ang korte at dineklara na si Delia ang tunay at nag-iisang tagapagmana ni Donya Demetria at siya lang ang may karapatan sa dalawang lupang sangkot sa usapin. Pati ang karapatan ng AZM sa 23 ektarya ibinenta ni Delia ay kinilala. Dineklara rin ng korte na hindi anak ni Donya Demetria si Teddy at wala itong karapatan sa mga lupa ng namatay na donya. Pati ang LTI ay walang legal na interes sa lupa.
Inapela nina Teddy, Atty. Castro at ng LTI ang desisyon ng RTC sa Court of Appeals. Ayon sa kanila ay hindi naman daw sapat ang ebidensiyang isinumite ni Delia para patunayan ang karapatan niya bilang kaanak at tagapagmana dahil ang pinagbasehan lang ng RTC ay ang baptismal certificate ni Delia. Mababaw daw at walang silbi ito bilang ebidensiya. Tama ba sila?
MALI. Alinsunod sa Art. 172 ng Family Code ang lehitimong ugnayan sa dugo ay puwedeng patunayan sa pamamagitan ng ibang paraan na nakasaad sa Rules of Court at sa iba pang natatanging batas kung talagang walang record ng kapanganakan o pag-amin ng magulang na lehitimong anak niya ang isang tao na nakalahad sa pirmadong pribado o pampublikong dokumento.
Ang sinasabing “ibang katibayan” ay puwedeng baptismal certificate, pag-amin habang naglilitis sa korte, o kaya ay ang tinatawag na family bible kung saan nabanggit ang pangalan ng taong sangkot. Puwede rin ang reputasyon kung paano siya nakilala, ang tahimik na pag-amin o kaya ay ang salaysay ng ibang testigo o kahit ano pang ebidensiya na tinatanggap sa ilalim ng Rule 130 ng Rules of Court.
Kaya hindi puwedeng sabihin na walang silbi ang baptismal certificate ni Delia bilang ebidensiya. Kapag isinama ito at pinag-aralan kasama ng iba pang ebidensiyang kanyang naisumite sa korte tulad ng testimonya niya, ng birth certificate, driver’s license, pati death certificate ng kanyang lola at family tree ng pamilya na malinaw na naglalarawan sa libro ng mga naging kaapu-apuhan ng kanyang lola ay matatanggap na ito at magkakaroon ng bigat bilang ebidensiya (Republic vs. Mangotara, G. R. 170375, July 7, 2010, 624 SCRA 360).
- Latest
- Trending