EDITORYAL - Bulok na sistema, pinaiiral ng PNP
Kung hindi naharang ng Presidential Security Group (PSG) ang sutil na pulis ng Quezon City na si SPO2 Ricardo Pascua, nasa serbisyo pa siya ngayon at sumusuweldo gayung matagal na palang sibak sa puwesto. Mabuti at nang umiral ang kasutilan ni Pascua, tiyempong nagdadaan ang convoy ni President Noynoy Aquino sa Commonwealth Avenue noong Hulyo 17 at naputol ang magaspang niyang ugali. Ayaw magbigay sa convoy ng presidente ang sutil na si Pascua kaya hinuli siya. Nang kinukuwestiyon ng mga motorcycle cop, iwinasiwas ang kanyang tsapa. Dinala sa presinto at nadiskubre na marami palang kaso si Pascua.
Dalawang beses na ngang nadismis pero nasa serbisyo at patuloy na nakasusuweldo. Dagdag sa kaso niya ang pagmamaneho na walang lisensiya, paglalagay ng illegal blinker sa sasakyan at maling paglalagay ng plaka sa unahan kung saan tinakpan ng QCPD commemorative plate.
Kung hindi nadale ng PSG, hanggang ngayon ay patuloy pa siyang sumusuweldo mula sa buwis ng mamamayan. Patuloy na naghahari-harian sa kalye at nambu-bully ng mga kapwa motorista habang nakadisplay sa baywang ang baril.
Ang kaso ni Pascua ay nagpapakita sa masamang sistema ng Philippine National Police? Kung nadismis na si Pascua, bakit nasa serbisyo pa? Bakit nasa kanya pa ang service firearm? Bakit may tsapa ? Tiyak marami pang katulad ni Pascua sa PNP. Naniniwala naman kami na may “sinasandalan’’ o ‘‘padrino’’ si Pascua kaya malakas ang loob na maging sutil.
Isaayos ng PNP ang sistema sa nadidismis na mga pulis. Hindi yung kunwari-kunwarian na tanggal. Halungkatin ang mga record ng pulis at baka marami sa kanila ay ginagawa lang palang sideline ang pagpupulis. Isalba ang PNP sa mga sutil na pulis na gaya ni Pascua.
- Latest
- Trending