Inampon ang kapatid na lalaki
Mahigit pitong taon nang kasal sina Eddie at Lorna. Propesyonal si Eddie at kasosyo sa maraming kompanya. Si Lorna ay propesyonal din at malaki ang kinikita. Sobra-sobra sila sa pangangailangan. Isa na lang ang kulang sa kanilang buhay, ang magkaroon ng anak. Sa kabila na walang anak, nanatiling tapat si Eddie kay Lorna. Dahil sobra-sobra na rin ang biyayang tinatamasa ng mag-asawa, nais naman nilang tumulong sa ibang tao lalo na sa pamilya ni Lorna.
May kapatid na lalaki si Lorna, si Boyet, isang taong gulang lang. Sakitin si Boyet mula pagkasilang. Upang tulungan ang kanyang mga magulang, inalok niya na sila na lang ng kanyang asawa ang mag-aalaga kay Boyet. Ibinigay ng magulang kay Lorna at Eddie si Bo-yet. Napamahal ang mag-asawa kay Boyet.
Noong apat na taong gulang na si Boyet, nagdesisyon sila na ampunin na lang ito. Maaari bang ampunin ng nakatatandang kapatid na si Lorna ang mismong kapatid niyang si Boyet? Sa opinyon ng mababang hukuman ay hindi ito puwede dahil daw magkakaroon ng masalimuot na sitwasyon kung saan ang menor de edad na si Boyet ay magiging parehong kapatid at anak ni Lorna. Dapat daw pigilan ang pag-ampon ni Lorna dahil sa magi-ging masalimuot na resulta. Tama ba ang korte?
MALI. Walang batas na nagbabawal sa magkamag-anak na ampunin ang isa’t isa. Hindi dahil magkakaroon ng dalawang klaseng relasyon ang ampon at ang inampon, tulad sa kasong ito na ang kapatid na lalaki ay magiging anak din ng kanyang ate ay pipigilan na natin ang pag-ampon sa bata. Ang isang relasyon nila ay dahil sa natural silang magkamag-anak at ang isang relasyon naman ay dahil sa resulta ng batas. Ang unang konsiderasyon sa pag-ampon ay ang kapakanan at interes ng batang aampunin. Ang batas naman ng pag-ampon ay makatao at ang layunin lang nito ay mabigyan ng bahay na matitirhan, maalagaan at mapag-aral ang kapus-palad at kawawang bata kaya nga ginagawa natin ang lahat para himukin ang iba na mag-ampon basta kaya nilang buhayin, palakihin at pag-aralin ang mga bata (Santos Jr. v. Republic, 21 SCRA 379).
- Latest
- Trending