Tulungan na!
MAY mga bagay na hindi na dapat pinag-iisipan o pinag-uusapan. Kailangan na lang gawin, kailangan na lang kumilos kaagad. Isang halimbawa ay ang kawawang OFW na nakuryente sa Jeddah, Saudi Arabia. Lapnos ang malaking bahagi ng katawan dahil sa aksidente. Hirap nang gumalaw. At pinakamasaklap pa, ay malayo sa pag-aalaga ng mga mahal sa buhay. Ito na siguro yung mas mahirap dalhin, yung nasa ibang bansa ka at walang malapit sa iyo. Sa kaso ni Alfredo Salmos, hindi pa mga kababayan ang kumupkop sa kanya, kundi mga taga-Indonesia!
May balakid sa pag-uwi ni Salmos sa bansa, sa kanyang pamilya sa Nueva Ecija. May hindi pa raw nababayarang mga multa si Salmos hinggil sa isang na-impound na sasakyan. At paso na ang kanyang visa. Dapat kumilos na kaagad ang mga ahensiyang may kaugnayan sa sitwasyong ito, tulad ng DFA. Pag-iisipan pa ba kung babayaran na muna yung mga multa, at pagtatalunan pa ba yung tulong na mabibigay para mabigyan ng bagong visa at makaalis na ng Saudi? Sa hirap na dinadanas ng ating mga OFW, hindi ba’t tama lang na bigyan sila ng tulong, lalo na sa mga sitwasyon katulad nito?
Malungkot ang nag-iisa’t nasa ibang bansa. At walang lulungkot pa sa sitwasyon na wala ka na sa iyong bansa, at may sakit ka pa! Ang may sakit ay nangangailangan ng pag-aalaga, hindi lang ng katawan kundi pati na rin ng emosyonal na kalusugan. Kapag malayo sa mga mahal sa buhay, bagsak ang emosyon na makakatulong sana sa paghilom. Kapag may kasama na’t naaalagaan ng mga kapamilya’t kaibigan, mas bumibilis ang paghilom.
Kaya sa sitwasyon ni Salmos, babasahin pa ba natin sa mga diyaryo na pinag-iisipan pa ng gobyerno ang tulong na mabibigay sa kanya? Bakit hindi na lang tulungan kaagad? At sana naman, yung mga Pilipinong OFW na nasa Jeddah din, bakit mga taga-Indonesia pa ang tumulong kay Salmos, at hindi sila? Nagulat ako nang mabasa ko na dalawang Indonesian domestic helpers ang kumupkop sa kanya! Kung ganun din lang, dapat na talagang makauwi na si Salmos!
- Latest
- Trending