Cervical cancer
INOOBSERBA ngayong Mayo ang “National Cervical Cancer Awareness and Prevention Month.”
Ayon sa Department of Health (DOH), ang cervical cancer ay sakit na kabilang sa mga pinaka-karaniwang nakaaapekto sa mga kababaihan at ikalawa sa mga pinakamadalas na ikinamamatay ng mga nasa edad 35 hanggang 55. Base sa Philippine Cancer Facts and Estimates, taun-taon ay mahigit 7,000 kaso ng cervical cancer ang naitatala at 12 ang namamatay kada araw.
Ang cervical cancer ay malignant tumor na idinudulot ng “human papilloma virus (HPV).” Pangunahing naisasalin ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik partikular kung ang isang babae ay may ibang nakakatalik, o kung ang kanyang ka-partner ay nakikipagtalik sa iba.
Madali nitong naaapektuhan at naigugupo ang mga babaing mahina ang resistensiya dahil sa pagkakaroon ng iba pang sakit, sobrang napapagod, sunod-sunod ang panganganak at hindi sapat na naaasikaso ang sarili.
Nilinaw naman ng DOH na ang cervical cancer ay nade-detect at nagagamot. Ang kailangan lang ay sapat na kamulatan at kaalaman hinggil dito at pag-aasikaso ng mga kababaihan sa kanilang katawan tulad ng regular na pagpapa-check-up at pagsailalim sa pap smear screening.
Kaugnay nito, isinusulong ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang mga hakbangin para maiwasan at magamot ang iba’t ibang sakit ng kababaihan. Ito ay sa pamamagitan ng Senate Bill 813: Research on Women’s Health Act; at SB 838: Women’s Health Office Act.
Itinatakda ng mga panukala ang pagpapatupad ng pamahalaan ng mga programa para sa pag-aaral sa mga sakit na nakaaapekto sa kababaihan gayundin ang mga sanhi nito at kung paano maiiwasan at magagamot. Isinusulong din ng mga panukala ang pagpapalaganap ng mga impormasyon hinggil sa naturang usapin.
* * *
Happy birthday kay Batangas Rep. Sonny Collantes (May 5) at Caloocan City Rep. Mary Mitzi Cajayon (May 6).
- Latest
- Trending














