EDITORYAL — Code of Conduct sa South China Sea, wala pang linaw
NAGTAPOS ang ASEAN Summit sa Maynila na wala pa ring pinal na Code of Conduct (COC) sa South China Sea, sa kabila ng mahigit dalawang dekadang negosasyon sa pagitan ng ASEAN at China.
Ayon kay Foreign Secretary Theresa Lazaro, nasa 80 porsiyento na ang provisional agreement sa draft, ngunit may mahahalagang isyu pang hindi napagkakasunduan, kabilang kung magiging legally binding ba ang kasunduan.
Ang pagpapatuloy ng negosasyon ay mapupunta na sa Singapore bilang susunod na ASEAN chair.
Magandang pakinggan na nasa 80 porsiyento na ito. Pero sa usaping ito, ang mas mahalaga ay kung ano ang laman ng natitirang 20 porsiyento.
Walang saysay ang isang Code of Conduct kung maganda lamang itong basahin ngunit walang malinaw na obligasyon kapag may lumabag.
Hindi rin sapat ang pangakong “peace and stability” kung hindi malinaw kung paano haharapin ang water cannon incidents, dangerous maneuvers at iba pang insidente sa dagat.
Matagal nang iginigiit ng Pilipinas na ang anumang COC ay dapat nakabatay sa international law at UNCLOS.
Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal na walang legal na batayan ang malawak na maritime claims ng China, isang desisyong patuloy na hindi kinikilala ng Beijing.
Kitang-kita rin kung gaano kalalim ang hindi pagkakaunawaan. Sa Manila Dialogue, muling nagbanggaan ang pananaw ng mga Pilipino at Chinese participants tungkol sa Ayungin Shoal.
Ang 2016 ruling ay nagtakda sa Ayungin bilang low-tide elevation na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Hindi masama na magpatuloy ang negosasyon. Mas mabuti ang pag-uusap kaysa komprontasyon.
Pero hindi dapat maging dahilan ang kagustuhang matapos ang COC para tanggapin ang isang kasunduang mahina o walang malinaw na epekto.
Mismong ang China ay nagpahayag din ng pag-asang maagang matatapos ang Code of Conduct.
Pero ang mabilis na kasunduan ay hindi awtomatikong magandang kasunduan.
Pagkatapos ng mahigit dalawang dekada, hindi na sapat na sabihing 80 porsiyento na ang tapos.
Ang tunay na sukatan ay kung ang natitirang 20 porsiyento ay makagagawa ng COC na malinaw, epektibo at may saysay kapag may aktuwal nang paglabag sa dagat.
- Latest
















