Bwisit sa Kamara, bilib sa kongresista
Interesante ang resulta ng survey ng OCTA Research nu’ng July 4-11. Sinabi ng 64% ng mamamayan na mabuti ang ginagawa ng kani-kanilang kongresista sa distrito. Pero 38% lang ang nagtitiwala at 37% lang ang nasisiyahan sa House of Reps.
Makikita rito na halos doble ang laki ng agwat ng ratings sa kani-kanilang kongresista kumpara sa institusyon ng Kamara, anang OCTA. Kaya naman paulit-ulit nahahalal ang mga kongresista sa distrito, dagdag ng pananaliksik.
Sinuri ng OCTA ang mga resulta ng survey sa pananaw ng Pananagutan. Maaring mas sinusuri ng mamamayan ang katuparan sa tungkulin ng kani-kanilang kongresista kaysa kabuuan ng Kongreso.
Pero pananaw lang ‘yan. Maaring iba ang katotohanan. Pwedeng sangkot ang kongresista sa P1.7-trilyong flood control scam. Pero hindi ito batid ng mga botante niya. Kaya hindi lang mataas ang performance rating nila sa kaniya, kundi paulit-ulit pang hinahalal.
‘Yon nga lang, asiwa ang mamamayan sa House of Reps dahil sa pandarambong ng flood funds. ‘Yan ang dahilan kaya mababa ang respeto sa Kamara.
Tiyak sinusuri ng kongresista ang pananaw ng botante niya. Natatansya niya ang sariling popularidad, kumpara sa Kamara. Malamang ay miya’t-miya siyang namamahagi ng ayuda. Kaya naman hindi siya sinisisi ng mga botante na nasira ang mga bahay, nalunod ang pamilya, at nagkasakit dahil sa baha.
Makikini-kinita dito ang magiging resulta sa susunod na halalan. ipagtitiwala pa rin ng mga botante ang posisyon sa nakaupong kongresista, o sa asawa, anak, o kapatid nito na hahalili. Magpapatuloy ang botante sa pagkalugmok sa karalitaan at pang-aapi.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest















