^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Ano na pagkatapos ng ASEAN Summit?

Pilipino Star Ngayon

TAPOS na ang apat na araw na 49th ASEAN Summit na ang punong-abala ay ang Pilipinas. Ipinasa na sa Singapore ang chairship sa susunod na taon.

Sa pag-alis ng mga lider ng bansa, binuksan na muli ang mga kalsada at unti-unti nang bu­mabalik sa normal ang galawan sa Metro Manila. Balik na sa dating pamumuhay na ilang linggo ring nagkaroon ng mga hindi inaasahang pagbabago.

Subali’t sa pagtatapos ng summit, may isang numerong nararapat manatili sa usapan: P22.9 bilyon. Hindi ito dapat malimutan.

Mahalagang linawin na ito ang budget allo­cation para sa buong 2026 ASEAN chairship ng Pilipinas, hindi lamang sa apat na araw na summit sa Maynila. Saklaw nito ang mga paghahanda, venue, seguridad at daan-daang pulong na isi­nagawa sa buong taon.

Hindi rin ibig sabihin na naubos na ang buong halaga. Patuloy pa ang final accounting at sinabi ng Malacañang na daraan ito sa COA audit. Kaya hindi patas na agad sabihing nasayang ang P22.9 bilyon. Pero dahil pera ito ng bayan, makatwiran ding itanong: ano ang konkretong naiwan pagkatapos ng summit?

May mga resulta. Natapos ang negotiations para sa Philippines-Canada free trade agreement, bagama’t kailangan pa itong pirmahan at ipatupad.

Nilagdaan din ang bagong defense coope­ration arrangement ng Pilipinas at Australia.

Nilagdaan ang ASEAN Digital Economy Frame­­work Agreement, habang natapos din ang pag­pirma sa enhanced memorandum para sa ASEAN Power Grid. Isinusulong din ang pagtatatag ng ASEAN Maritime Centre sa Pilipinas para sa ma­ritime cooperation, information-sharing at capacity building.

Pero may hindi rin natapos. Hindi napirmahan­ ang matagal nang hinihintay na Code of Conduc­t (COC) sa South China Sea. Dekada na COC su­balit hanggang ngayon ay hindi pa naisasapinal.

Hindi pa masiguro kung sa chairship ng Singa­pore sa susunod na taon ay malagdaan na ang COC. Mahirap asahan kaya maaring maantala na naman ito. Hanggang kailan ito hihintayin?

Hindi rin lahat ng memorandum, declaration o framework ay agad nagiging konkretong benepisyo. Ang tunay na halaga ng mga ito ay ma­kikita lamang kapag naipatupad.

Kaya pagkatapos ng red carpet at photo opportunities, dalawang accounting ang kaila­ngan ng publiko: saan talaga napunta ang pera, at alin sa mga ipinangakong kasunduan ang magkakaroon ng tunay na resulta. Sa halagang halos P23 bilyon, hindi sapat ang maraming dokumentong napirmahan. Ang dapat bilangin ay kung ano ang talagang maipapatupad at mapapakinabangan ng mga Pilipino.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with