Anak ng Pasig naman kayo
Bawal ang maligo sa Pasig River. Ito’y nakasaad sa ordinansa ng Lungsod ng Maynila. Noong una itong na-akda bago pa ang giyera, ang intensyon ay panatiliin ang linis at sanitasyon ng ilog dahil ito’y pinagkukunan ng tubig na pang-inom at panluto sa bahay.
Fast forward sa 2012. Bawal pa rin ang maligo sa Pasig River. Subalit hindi na ang ilog ang pinuproteksyunan kung hindi ang mismong mga taong naliligo dito. Dahil walang duda na sinumang lumangoy sa Ilog Pasig ay para na ring nagpakamatay.
Pasig River is biologically dead. Ito’y dahil sa dami ng dumi, polusyon, at lason na walang pakundangang tinatapon ng residential at industrial establishments ilang dekada na ang nakalipas. Ang ilan ngang mga estero at tributaryo ng Pasig ay sobrang barado na sa basura na hindi na ito napapakinabangan. Peligro ito lalo na tuwing papasok ang high tide mula sa dagat o kapag umulan ng sobrang lakas dahil pihadong aapaw ang ilog at babaha sa lungsod.
Ang target ay maibalik ang kalidad ng ilog sa Class “C” man lang na kaya magbuhay ng mga isda at iba pang aquatic life at pwede ring gamitin para sa recreational purposes tulad ng boating. Maari ding pakinabangan para sa industrial purposes matapos itong idaan sa naaayong paglinis. Ang improvements ng Ilog ay magdadala din ng pagpaganda ng kapaligiran na ikapuputok din ng land values sa karatig lugar. Dire-diretso ang asenso kapag ito’y naumpisahan.
Malaki ang pag-asa na maibalik ang buhay at sigla ng Pasig sa dalawang kadahilanan: Una ay ang pagtalaga kay Ms. Regina Lopez bilang Chairman ng Pasig River Rehabilitation Commission. Matagal nang pinaglilingkuran ni Ms. Lopez ang Ilog gamit ang pondo ng pribadong sektor. Ang kanyang tagumpay sa paglinis ng Estero de Paco ay dokumentado at kung ito’y maulit para sa buong ilog ay napakaswerte na na-ting nilalang. Pangalawa ay ang pagpangako ni PNoy ng hanggang P10 Billion na pondo sa cleanup ng Ilog.
Ang Pasig River ang siyang bumuhay sa mga Lungsod na naitayo sa baybayin nito. Napakalaki nitong bahagi ng kasaysayan. Sa ating pakikipagtulungan ay patuloy itong magiging bahagi ng ating kinabukasan.
- Latest
- Trending