Kawawang Marikina
SI Marikina City Mayor Del de Guzman lang at ang mga alipores niya ang masaya sa pagdiriwang ng Ka-Angkan Festival sa paggunita ng 382nd founding anniversary ng siyudad. Ang mga residente kasi ay malungkot dahil sa hindi pagkilos ng pulisya sa pagtaas ng krimen sa kanilang lugar particular ang kagagawan ng riding-in-tandem. Kahit ipinarating kasi ng mga residente ang kanilang hinaing, hindi naman kumikilos si De Guzman para ituwid ito. Kawawa ang Marikina, yan ang naibulalas ng mga kausap ko.
Dahil sa pagbunyag ko sa biglang pagtaas ng kriminalidad sa Marikina, kumilos naman si EPD director Chief Supt. Miguel Laurel at nag-download ng 16 bagong pulis. Hangarin ni Laurel na gamitin ang 16 na bagong pulis sa police visibility operation. Pero paano kikilos ang mga pulis sa Marikina kung wala silang budget galing sa hepe nilang si Sr. Supt. Gabriel Lopez na abala sa pagtsek ng kita ng Angel’s burger niya?
Para maibsan ang kriminalidad sa kanilang lugar, kumilos na ang mga chairman ng barangay para gampanan ang trabaho ng local na pulisya. Halimbawa, sa Bgy. Calumpang, pinaiiral na ang curfew sa minors. Sa Bgy. Sta. Elena naman, mismong ang mga barangay tanod na ang nagroronda. Sinabi ng mga kausap ko na alam naman ng mga tauhan ni Lopez kung saan naglulungga ang mga criminal. Andun lang sa Bgy. Tumana at Bgy. Concepcion Uno. Bakit ayaw kumilos ni Lopez. Maaaring magaling si Lopez sa administration subalit sa operation palpak siya. Kaya pala ang Marikina na best-best noong kapanahunan ng mag-asawang Bayani at Marides Fernando ay kulelat na sa liderato ni De Guzman. Mukhang naghihintay lang ng suweldo at allowance galing kay De Guzman si Lopez, ‘yan ang paglalahad ng mga kausap ko. Kaya kahit abot-langit pa ang pakulo ni De Guzman sa Ka-Angkan Festival niya, eh siya lang at ang nasa paligid niya ang masaya. Abangan!
- Latest
- Trending