EDITORYAL - Numero uno sa paggamit ng shabu
AYON sa United Nations World Drug Report, 2.1 percent ng mga Pilipino na edad 16 hanggang 64 ay gumagamit ng methamphetamine hydrochloride o shabu. Nangunguna umano ang Pilipinas sa East Asia sa paggamit ng shabu. Ayon din sa report, ang West African drug syndicates ang nag-ooperate sa bansa at nakikipagkumpetensiya sa mga Chinese drug trader. Ang West African syndicates ay karaniwang binubuo ng mga Nigerian nationals. Noong nakaraang buwan, sunud-sunod ang pagkakaaresto sa mga African nationals na may bitbit na droga. Nadakma sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pero sa kabila ng mga sunud-sunod na pagsalakay ng awtoridad sa mga shabu laboratories, marami pa rin ang nakakalusot at patuloy sa pag-operate. Sa mga eksklusibo at mayayamang subdibisyon nangungupahan ang drug syndicate para hindi matiktikan ng awtoridad. Ilang buwan na ang nakararaan, sunud-sunod ang ginawang pagsalakay sa Ayala-Alabang sa Muntinlupa at natunton doon ang laboratoryo. Mga Chinese nationals ang nahuli. Nagkaroon din nang pagsalakay sa isang bodega sa Calo-ocan City na laboratoryo rin ng shabu. Wala namang nahuling operator.
Sabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) malaking porsiyento na ng drug syndicate ang kanilang nababasag dahil sa walang tigil nilang operasyon. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi nalilipol ang mga sindikato. Magkakaroon pa umano sila ng sigasig para mahuli ang mga gumagawa o nagluluto ng shabu.
Lipulin ang sindikato ng shabu. Dahil sa pagkasugapa sa shabu, maraming karumal-dumal na krimen ang nangyayari. Ginagahasa at pina patay ang mga batang babae. Nanghoholdap at pumapatay. May nanghohostage at may na sisiraan ng ulo. Marami pang krimen ang idinudulot dahil sa paggamit ng shabu kaya nararapat lamang na gumawa ng hakbang para maibalik ang death penalty.
- Latest
- Trending