Bakit nag-aayuno at nangingilin?
HINDI lamang regular na aktibidad kundi pangangailangan ng tao kumain. Kaya bakit inoobliga ng tatlong malalaking Abrahamic religions – Kristiyanismo, Islam at Judaismo – ang pag-aayuno o pagbabawas ng pagkain? Napaka-normal din sa modernong tao na kumain ng karne, hindi man ng baboy, pero baka, kambing, at tupa. Kaya bakit din hinihinging mga relihiyon na mangilin o umiwas sa ilang espesyal na okasyon na kumain ng karne, gatas, mantikilya, mantika o ng ibang masarap o masamang bagay (halimbawa, matatamis o alak o sigarilyo)?
Nag-aayuno at nangingilin para sa magkakabuhol na rason: Tanda ng pagsisisi sa mga kasalanan, pagwawasto ng pagkakasala, disiplina sa sarili, pagsunod sa Banal na Utos, at pagtuon sa ispirituwal mula sa material. May dagdag pang rason sa mga Kristiyano, 80% ng populasyon ng Pilipinas: Ang pagtulad kay Hesukristo.
Nag-aayuno at nangingilin ang mga Kristiyano tuwing Lent, lalo na tuwing Biyernes mula Ash Wednesday hanggang Sabado de Gloria. Lahat ng deboto, mula edad-7 hanggang -60 ay dapat magsakripisyo. Gay’un din sa mga Muslim tuwing Ramadan at ilang piling espesyal na araw. At gay’un din sa Judaismo at mga maka-bagong anyo nito. May mga exempted: Maysakit, estudyante, mabigat ang trabaho, nagbibiyahe. Sa mga Kristiyano ang pag-aayuno at pangingilin ay nangangahulugan ng isa lamang na buong kain, kadalasan tanghalian, at kakarampot na agahan at hapunan. Sa Muslim walang maaring lununin, miski sariling laway, mula pagsikat hanggang paglubog ng araw.
Merong scientific basis ang pag-aayuno at pangingilin. Humuhupa sa una ang pagkasiba; sa ikalawa, ang pagka-agresibo sa ugali at sex. At ito ang rason kung bakit mas nakakapag-meditate tungkol sa Diyos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending