Ang mga kaso ni Ginang Arroyo
PATULOY na pinag-uusapan ngayon ang mga kaso laban kay dating presidente at ngayo’y Pampanga congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, at ang kanyang pagnanais na mangibang-bansa.
Ito ang napagkuwentuhan namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Si Ginang Arroyo ay nahaharap sa napakaraming mabibigat na kaso, kabilang ang plunder, katiwalian at pandaraya sa halalan. Sa harap nito ay nais niyang magtungo sa iba’t ibang bansa upang diumano ay magpa-medical check-up and treatment.
Hindi pinahintulutan ng administrasyon, sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ), ang kanyang pag-a-abroad. Ayon sa DOJ, walang sapat na dahilan ang kahilingan ni Ginang Arroyo na magbiyahe agad sa abroad dahil hindi naman “life-threatening” ang sinasabi nitong sakit niya at puwede rin naman umanong suriin at gamutin dito mismo sa Pilipinas ang naturang sakit.
Kataka-taka rin umano na sobrang dami ng mga bansang nais libutin ni Ginang Arroyo tulad ng Singapore, Germany, Spain, United States, Austria, Italy at Switzerland na karamihan pa naman ay walang extradition treaty sa Pilipinas.
Marami ang naniniwala na gagamitin lang ni Ginang Arroyo na paraan o palusot ang umano’y “medical situation” niya upang magtago na ito sa ibang bansa at takasan ang pananagutan sa kanyang mga kaso.
Kinikilala ng batas ang karapatan ng sinuman na piliin kung sinong doktor at kung saang ospital o lugar siya magpapagamot. Pero ito ay may mga kondisyon, partikular kung ang naturang tao ay nahaharap sa mga kaso.
Bilang solusyon dito ay iminungkahi ni Jinggoy na mag-assign o magtoka ang pamahalaan ng security escorts kay Ginang Arroyo kung sakaling matutuloy itong mangibang-bansa. Sa pamamagitan nito ay matututukan at mamo-monitor ng mga otoridad sa lahat ng oras ang mga lugar na pupuntahan niya sa ibang bansa at kung ano ang mga gagawin niya roon, at matitiyak din na babalik ito sa Pilipinas.
Pero kailangan aniya na pormal na maihain muna ang mga kaso laban sa dating pangulo.
* * *
Happy birthday kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos (November 12).
- Latest
- Trending