Tumulong o tumabi!
Makipag-ugnayan at tulungan ang gobyerno, o tumabi na lang. Ito ang mensahe ng Palasyo sa MILF, na nagsabing hindi nila isusuko si Dan Asnawi nang walang matibay na ebidensiya na sangkot siya sa pag-pugot sa 10 Marines noong 2007. Matagal ko nang sinasabi na kinakanlong ng MILF ang mga kilalang kriminal at kalaban ng bansa. Ang pahayag ng MILF ay patunay lamang sa hinala na iyon. Kaya ang sinasabi nilang pumasok sa teritoryo nila ang AFP ay para pagtakpan ang tunay nilang layunin. Kailangan ng MILF ang mga katulad ni Asnawi para maghasik ng lagim at masangkot sa mga kriminal na gawain! Mga gawain na hindi mabibintang sa kanila, kundi sa mga katulad ni Asnawi!
Ang target ng mga sundalo ay ang mga kilalang kriminal sa lugar. Kilala na nga sila sa pangalan nila. Kaya ano itong sinasabi ng MILF na hindi nila isusuko si Asnawi nang walang ebidensiya? Eh hindi ba ganun nga ang gustong gawin, hulihin muna, kasuhan at patunayan na kriminal sa lipunan pati na rin sa digmaan? Ito ang mahirap. Ang tingin na talaga ng MILF sa sarili nila ay isang lehitimong gobyerno na dapat kinukunsulta at hinihingan ng permiso. Parang isang hiwalay na bansa! Sa totoo, sila’y isang armadong grupo na sangkot sa isang rebelyon.
Hahabulin ng AFP ang mga kriminal na katulad ni Asnawi. Dapat lang. Ito ay sang-ayon sa utos ni President Aquino na all-out-justice para sa mga mga sundalong pinatay at winalanghiya pa ang mga katawan sa panahon ng isang “ceasefire”. Dapat dalhin sa hustisya ang mga katulad ni Asnawi. At dapat makipagtulungan ang MILF sa isyung ito, kung talagang seryoso sila sa pagkakaroon ng matagalang kapayapaan. Kailangan matuto na rin ang gobyerno sa nangyayari ngayon sa Mindanao. Ang MILF ay kumalas na grupo sa MNLF. Pinabayaan silang lumaki at mabigyan ng armas mula sa ibang mga teroristang grupo. May kumalas na rin sa MILF. Dapat hindi na pabayaang lumaki, at dapat ngayon pa lang, gawin na ang lahat para hindi na magkaroon ng kakayahang lumaban sa gobyerno nang matagalan. Kundi, panibagong problema na naman yan, kung sakaling malutas na ang problema sa MILF! Kaya malinaw ang mensahe, tumulong o tumabi. Ganun ka-simple!
- Latest
- Trending