Hindi lang babae ang biktima
Maling akala na babae lang ang puwedeng maging biktima ng seksuwal na pang-aabuso. Sa likod ng paniniwalang ito, may mga batang lalaki ring tahimik na nagdurusa, nahihiya at takot magsumbong dahil baka hindi sila paniwalaan.
Muling binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi dapat maging batayan ang kasarian sa pagkilala sa isang biktima ng seksuwal na karahasan. Lahat, babae man o lalaki, ay may karapatang maprotektahan laban sa pang-aabuso.
Sa isang desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinagtibay ng SC ang hatol na guilty sa isang babae na nang-abuso sa kanyang 11-anyos na pamangkin.
Ayon sa kaso, naganap ang pang-aabuso habang dumadalaw ang bata sa mga kamag-anak ng kanyang ama. Ginising siya ng babae, pinahubad at pinahiga sa kama bago isagawa ang seksuwal na pang-aabuso.
Dahil sa murang edad at pag-uusisa, hindi agad nakapagtutol ang bata. Pero pagkatapos ng insidente, binalot siya ng matinding hiya at guilt, hanggang sa maisip niyang wakasan ang sariling buhay.
Masakit isipin na ang isang batang dapat ay ligtas sa piling ng pamilya ay makakaranas ng ganitong bangungot. Sa halip na pagmamahal at proteksiyon, trauma ang iniwan sa kanya.
Sa pagsusuri, natukoy na nagkaroon ang bata ng post-traumatic stress disorder bunga ng pang-aabuso.
Sa depensa ng babae, iginiit niyang pumayag umano ang bata. Pero malinaw ang batas noong mangyari ang insidente noong 2018, 12 taong gulang ang itinakdang edad para sa legal na pahintulot sa seksuwal na gawain. Dahil 11 lamang ang bata, wala siyang kakayahang magbigay ng legal na consent.
Mas mabigat pa, ayon sa SC, pinalabas ng babae na kusang-loob at nagustuhan ng bata ang nangyari, isang paraan ng pagbaluktot sa isip ng isang musmos na hindi pa kayang unawain ang ganitong sitwasyon.
Sinabi rin ng Korte na kung lalaki ang gumawa ng pang-aabuso sa parehong sitwasyon, maaari itong maituring na rape. Gayunman, sa ilalim ng batas noong panahong iyon, hindi pasok sa legal na depinisyon ng rape ang partikular na ginawa ng babae, kaya ibang krimen ang naging batayan ng hatol.
Sentensiyang siyam hanggang 16 na taon ang ipinataw sa babae, kasama ang P250,000 na danyos at kabayaran.
Dapat malinaw sa lahat walang batang dapat sisihin sa pang-aabusong ginawa sa kanya. Hindi sukatan ng pagiging biktima ang kasarian. Ang tunay na sukatan ay ang sakit, trauma at karapatang nilabag.
- Latest




















