Teachers
NOONG Miyerkules ay Teacher’s Appreciation Day. Sa mga pagbating natanggap mula sa estudyante at kapwa guro ay naisip ko bigla ang kabuluhan ng aking piniling propesyon.
Ang titser ay hindi kikita ng limpak na salapi. Kung tutuusi’y kulang pa sa pamasahe ang ibinabayad sa amin — lalo na sa mga pampublikong institusyon. Sa baitang ng pamantasan, sa professional colleges ng law at medicine, abono pa nga ang propesor.
Sa kabila nito ay hindi nawawalan ng magiting at marangal na binibini, ginang at ginoo na ginagawang karera ang pagturo at paghubog ng pagkatao ng kanilang mag-aaral upang harapin ang hamon ng buhay.
Ano ba talaga ang umaakit sa guro na pasukin ang wala namang kunswelong materyal na hanap buhay na ito?
May kasabihang, “to teach is to learn twice”. Habang ikaw ay nagtuturo, kasabay nito’y ay ang kapwang paglago ng iyong kaalaman. Alam ko na higit akong naging dalubhasa sa batas mula nang ako’y nagturo nito. Dito pa lang ay marami na ang napapasaya.
Subalit hindi ito ang tunay na bentahe ng pagtuturo. Ang tunay na diwa ng pagtuturo ay pagsasalin ng kaalaman na walang inaasahang kapalit. Ni hindi kailangang makita na nagbunga ang iyong hirap – mabigyan lang ng pagkakataong maging instrumento ay sapat na.
Bonus na kapag ang mga tinuturuan ay nakakahanap ng inspirasyon sa kanilang mga guro. Sa mga nagpahiwatig na pasasalamat, alamin ninyo na maturuan lang kayo’y sapat na naming kabayaran.
TEACHERS GRADE: A (APPRECIATED)
- Latest
- Trending